Ayon sa aking pananaliksik, ang Artificial Intelligence o Artipisyal na Intelihensiya sa salin sa Filipino ay tumutukoy sa kakayahan ng isang makina o sistema na gayahin ang katalinuhan ng tao upang magsagawa ng mga gawain na karaniwang nangangailangan ng talino ng tao. Ito ay isang sangay ng agham pangkompyuter na naglalayong lumikha ng software at hardware na may kakayahang matuto, mag-isip, magdesisyon, at lumutas ng mga problema sa paraang kahalintulad ng sa tao. Sa kabila ng mga panganib na kaakibat ng paggamit ng Artificial Intelligence (AI), tunay at hindi maikakaila na ito ay nagdudulot ng napakaraming oportunidad sa larangan ng edukasyon sapagkat nakatutulong ito sa paraan ng pagtuturo ng ating mga kaguruan at sa atin bilang mga mag-aaral. Noong taong 2022, mas naging kilala at naging talamak ang paggamit ng AI sa ating bansa. Gayundin, sa larangan ng edukasyon ay nakatulong ito ng malaki, lalo na't nanggaling tayo sa isang pandemya na talaga namang sumubok sa mga mag-aaral at maging sa mga guro. Ayon sa isang pag-aaral nina JD Caratiquit at LJC Caratiquit (2023), lumabas sa kanilang pag-aaral na ang mga mag-aaral na gumagamit ng ChatGPT, isa sa mga uri ng AI, ay mas nahihikayat na mag-aral nang mabuti dahil sa pagkakaroon ng access sa karagdagang impormasyon at tulong mula rito. Dahil dito, ang kanilang pag-aaral ay mas napapabuti dahil sa mas mataas na antas ng kanilang pakikilahok at pagtutok sa kanilang mga gawain.
Ang integrasyon ng artificial intelligence sa edukasyon ay may malaking potensyal na magdulot ng positibo at negatibong epekto sa pag-aaral. Isa-isahin natin ang mga adbantahe at disadbantahe nito sa edukasyon. Para sa adbantahe, una, mas napapadali nating gawin ang ating mga gawain tulad ng takdang-aralin, proyekto at iba pa, kung saan humihingi tayo ng tulong mula sa AI upang maipaliwanag sa atin nang mabuti at magkakaroon tayo ng ideya sa kung anu ang dapat nating gawin. Pangalawa, hindi na natin kailangang gumugol pa ng napakahabang oras para sa pagsagot ng ating mga takdang-aralin; sa halip na nakagagawa pa tayo ng iba pang mga bagay. At panghuli, nakatutulong ang paggamit ng AI sa pagtuturo sa pamamagitan ng malinaw na pagpapaliwanag ng mga aralin at pagpapanatili ng kalidad ng edukasyon. Kaakibat ng mga adbantahe na ito ay ang mga disadbantahe: una, natututo tayong maging tamad at palaasang mga mag-aaral dahil sa paniniwalang may AI naman na kayang gawin ang lahat ng bagay. Pangalawa, natututo tayong magplagiarize o mag-copy-paste na lamang, kung saan nalalabag natin ang Republic Act No. 8293, o ang Intellectual Property Code (IPC), na nagbibigay ng mga karapatan sa mga may-akda at proteksyon sa kanilang mga gawa. Panghuli, nababawasan ang kakayahan ng mga mag-aaral na mag-isip pa ng mas malalim upang sa gayon ay mahasa ang kanilang kritikal na pag-iisip. Gayunpaman, kahit na napakalawak na ng AI sa ating bansa, nararapat na hindi nito maaapektuhan nang masama ang ating edukasyon sapagkat ang edukasyon ang tangi nating sandata at pundasyon patungo sa tagumpay. Kaya naman bilang isang mag-aaral, dapat alam natin ang ating mga limitasyon sa paggamit ng ganitong uri ng kagamitan sa pagkatuto. Maging isang responsableng indibidwal at mag-aaral sa lahat ng bagay.
Sa kabuuan, tunay na napakalaki ng impluwensya ng mga AI tools sa ating bansa, partikular na sa ating edukasyon, at talaga namang ginagamit na ng halos lahat sa pag-aaral gayundin sa pagtuturo. Gayunpaman, hindi dapat ito maging dahilan upang patuloy nating gawin ang mga bagay na hindi nararapat. Paalala lamang na ang mga AI tools ay tanging mga pantulong lamang sa atin at hindi dapat iniaasa sa kanila ang lahat. Oo, nakapagbibigay sila ng mga kailangan nating malaman, ngunit tayo pa rin ang dapat na bumuo at gumawa ng mga ito. At dito ko na lamang tatapusin ang aking talumpati at sainyo’y nag-iiwan ng paalala: maging responsableng estudyante upang ang diploma ay makamit sa huli. Muli, Magandang araw sa inyong lahat.