Saturday, October 12, 2024

Carlos Yulo: Ang Huwarang Alagad ng Palakasan


          Tumatak na ang pangalang Carlos Yulo sa kasaysayan ng pampalakasang patimpalak sa Pilipinas. Ang pangalang patuloy na umuukit ng karangalan para sa ating bansa. Kilala siya bilang isa sa mga pinakamahuhusay na gymnast ng Pilipinas, siya lang naman ang nakakuha ng dalawang gold medal—isa para sa floor exercise at isa para sa vault ng gymnastics sa Paris Olympic na ginanap sa magkasunod na araw. Isang simpleng atletang  nangangarap lamang at ngayon ay isa ng simbolo ng dedikasyon, tiyaga, at tagumpay para sa ating mga kapwa Pilipino. 

        Sa kanyang ipinakitang husay at galing sa larangan ng gymnast ay hindi lamang niya ito iniaalay para sa kanyang sarili kundi para sa buong bansa na kanyang pinagmamalaki sa bawat pagtalon, ikot, at galaw. Ang bansang kanyang pinanggalingan at patuloy na inaalalayaan ng mga papuri at karangalan. 

              Tulad ng marami, siya ay isang ordinaryo ring tao nanaharap sa maraming pagsubokat pagkatalo. Subalit ang mga pagkatalo at pagsubok na ito ang kanya ring naging inspirasyon upang bumangon ng mas malakas at mas determinado. Ito ang tunay na esensya ng isang kampeon—hindi lamang ang panalo, kundi ang kakayahang bumangon mula sa pagkatalo.

             Tunay ang isang kawikaan na walang imposible lalo na sa taong may determinasyon at pagsusumikap. At ito ang ipinakitang katangi-tangi at iidolohin ng masa ang pagkakaroon ng malinaw at pinakapokus na layon sa paggawa ng isang bagay.Ang karangalan niyang dinala sa Pilipinas ay nagpapatunay lamang na kayang makipagsabayan ng mga Pilipino sa buong panig ng mundo. 

     Sa iyong mga susunod pang mga laban at kompetisyong nais mong pagtagumpayan, asahan mong kaagapay mo ang buong Pilipinas na lagi lamang na nasa likod mo at mainit na pagsuporta at tiwala ang sa iyo'y ipapabaon. Patuloy mong iwagayway ang ating bandila sa pangalang Yulo ang huwarang alagad ng palakasan at ang bagong idolo ng masang Pilipino. Mabuhay ka, Yulo na aming idolo! 

No comments:

Post a Comment

Pagsusuri: Ang Saranggola ni Efren Abueg

Buod ng Kwento Ang kwento ay nagsimula sa isang anak na gusto ng guryon ngunit siya ay tinuruan at ginabayan ng kanyang ama sa paggawa ng is...