Monday, November 4, 2024

Buod ng Maikling Kwento "Saranggola" ni Efren Abueg


       Ang kuwentong "Saranggola," ay nagpapakita ng paghubog ng isang ama sa kanyang anak sa pamamagitan ng disiplina at praktikal na aral sa buhay. Nagsimula ang kwento nang ang batang lalaki, walong taong gulang, ay humiling ng guryon sa kanyang ama. Sa halip na bumili, tinuruan siya ng ama na gumawa ng sariling saranggola. Sa una ay naghinanakit ang bata sa naging aksyon ng kanyang ama gayong may kakayahan naman sila na bumili ng guryon. Walang nagawa ang bata at sumunod na lang sa kanyang ama. Sa kanyang pagpapalipag ng saranggola ay mas nalagpasan pa niya  ang ilang guryon. Ang iba namang guryon ay lumipad nang pagkataas-taas kungkaya't ito ay nalagutan ng tali at nagsibagsakan, bali-bali ang mga tadyang, wasak-wasak. Minsan sa pagpapataas ng lipad ng kanyang saranggola, napatid ang tali niyon ngunit ng kanilang makita ang saronggala hindi ito nasira bagkus ay sumabit lamang ito. Natutunan ng bata na hindi lamang ang laki o taas ng saranggola ang mahalaga kundi ang kakayahang kontrolin ito sa himpapawid.

            Nang siya ay lumalaki, nagkaroon ang bata ng mga bagong hilig at pangarap na iba sa nais ng kanyang ama. Gayunpaman, paulit-ulit siyang pinaalalahanan ng ama tungkol sa pagtitipid, pag-iwas sa labis na paggastos, at pagdiskubre ng tunay na halaga ng mga bagay. Dahil dito, nadama niya ang hirap at naging tampulan ng hinanakit ang ama.

            Nang siya ay magkokolehiyo, ninais niyang kumuha ng kursong commerce kasama ang mga kaibigan, ngunit pinili ng ama ang kursong mechanical engineering upang ipagpatuloy ang negosyo ng pamilya. Kahit masama ang loob, sinunod pa rin niya ang kagustuhan ng ama. Sa huli, matapos makapagtapos at magtagumpay sa pagsusulit ng gobyerno, hindi agad ipinasa ng ama ang machine shop sa kanya. Sa halip, binigyan siya ng kapital upang magtayo ng sariling negosyo at suportahan ang sariling pangarap. Sa bandang huli, naiparating ng ama ang tunay na kahulugan ng pagbuo ng sariling tagumpay—isang aral na tila nahubog simula pa lang ng paggawa ng kanyang sariling saranggola.


No comments:

Post a Comment

Pagsusuri: Ang Saranggola ni Efren Abueg

Buod ng Kwento Ang kwento ay nagsimula sa isang anak na gusto ng guryon ngunit siya ay tinuruan at ginabayan ng kanyang ama sa paggawa ng is...