Monday, October 28, 2024

Pagsusuri sa Tula


"Isang Dipang Langit" ni Amado V. Hernandez


Ako'y ipiniit ng linsil na puno

hangad palibhasang diwa ko'y piitin,

katawang marupok, aniya'y pagsuko,

damdami'y supil na't mithiin ay supil.


Ikinulong ako sa kutang malupit:

bato, bakal, punlo, balasik ng bantay;

lubos na tiwalag sa buong daigdig

at inaring kahit buhay man ay patay.


Sa munting dungawan, tanging abot-malas

ay sandipang langit na puno ng luha,

maramot na birang ng pusong may sugat,

watawat ng aking pagkapariwara.


Sintalim ng kidlat ang mata ng tanod,

sa pintong may susi't walang makalapit;

sigaw ng bilanggo sa katabing moog,

anaki'y atungal ng hayop sa yungib.


Ang maghapo'y tila isang tanikala

na kala-kaladkad ng paang madugo

ang buong magdamag ay kulambong luksa

ng kabaong waring lungga ng bilanggo.


Kung minsa'y magdaan ang payak na yabag,

kawil ng kadena ang kumakalanding;

sa maputlang araw saglit ibibilad,

sanlibong aninong iniluwa ng dilim.


Kung minsan, ang gabi'y biglang magulantang

sa hudyat - may takas! - at asod ng punlo;

kung minsa'y tumangis ang lumang batingaw,

sa bitayang moog, may naghihingalo.


At ito ang tanging daigdig ko ngayon -

bilangguang mandi'y libingan ng buhay;

sampu, dalawampu, at lahat ng taon

ng buong buhay ko'y dito mapipigtal.


Nguni't yaring diwa'y walang takot-hirap

at batis pa rin itong aking puso:

piita'y bahagi ng pakikilamas,

mapiit ay tanda ng di pagsuko.


Ang tao't Bathala ay di natutulog

at di habang araw ang api ay api,

tanang paniniil ay may pagtutuos,

habang may Bastilya'y may bayang gaganti.


At bukas, diyan din, aking matatanaw

sa sandipang langit na wala nang luha,

sisikat ang gintong araw ng tagumpay...

layang sasalubong ako sa paglaya!


Pamagat: Isang Dipang Langit ni Amado V. Hernandez

Urin ng Pampanitikan: Tula

Estruktura ng Tula: Ang tula ay binubuo ng walong saknong, bawat saknong ay may apat na taludtod. Mayroong  tugmaan at sukat na nagbibigay-diin sa damdaming nais ipahayag ng makata. 

Estilo ng Paglalahad: Ginamit ni Hernandez ang estilong mapagsalaysay at may pagninilay. Ang tono ng tula ay mapait at puno ng poot, subalit may pag-asa sa bandang huli.

Tayutay na Ginamit:

1. Pagtutulad- "Sintalim ng kidlat ang mata ng tanod."

"Ang maghapo'y tila isang tanikala"

2. Pagwawangis- "Ang buong magdamag ay kulambong luksa "

3. Pagsasatao - "Ang tao’t Bathala ay di natutulog."

4. Pagmamalabis-"lubos na tiwalag sa buong daigdig"

Simbolo na Ginamit:

1.  Sandipang langit - sumisimbolo sa limitadong kalayaan at pagkakakulong ng may-akda.

2. Gintong Araw ng tagumpay - simbolo ng pag-asa at kalayaan

3. Bato, Bakal, Punlo - sumisimbolo sa mga pwersa ng pamahalaan na ginagamit para supilin ang mga inaaping tao.

4. Munting Dungawan - simbolo ng limitadong pananaw at kaunting kalayaan na tanging natitira para sa bilanggo.

5. Kulambong Luksa - simbolo ng kamatayan

 Talasalitaan:

1. Linsil - mapanlinlang o masamang loob

2. Tiwalag - hiwalay o liblib

3. Tumangis- nalungkot o umiyak

4. Batingaw - kampana

5. Piit- pagkakakulong

6. Kutang - kuta o matibay na lugar na ginamit bilang kulungan

7. Balasik - kabagsikan, tapang o pagkaseryoso

8. Dungawan - bintana o maliit na bukasan

9. Birang - telang pantakip o panakip sa mukha o katawan

10. Pariwara- nasira o nawalan ng pag-asa

11. Moog - matibay na pader o gusali

12. Tanikala - kadena o posas

13. Marupok - mahina o madaling masira

14. Supil -   napigilan

15. Nagugulantang - nabibigla o naguguluhan

Persona ng Tula:  Ang persona ng tula ay isang bilanggong pulitikal na nagpapahayag ng kanyang mga hinaing at pangarap sa kaniyang kalayaan.  

Bisang Pampanitikan

Bisa sa Isip: Ipinapakita ng tula ang kalupitan ng panahon sa mga bilanggong pulitikal at ang pananabik ng tao sa kalayaan.

Bisa sa Damdamin: Nagtataglay ng matinding kalungkutan, galit, at pag-asa. Pinararamdam ng tula ang mga nararanasang pasakit ng isang bilanggong inaapi ngunit hindi sumusuko.

Bisa sa Asal: Ang tulang ito ay nagpapalakas ng loob at nagbibigay ng mensahe na hindi dapat tayo sumuko o magpatalo dahil kabila ng anumang hamon sa buhay maytoong pag-asa at bagong bukas na naghihintay. 

Teoryang Pampanitikan: Teoryang Marxismo dahil ipinapakita ng tula ang pakikibaka ng mga inaapi laban sa mapaniil na sistema. Inilalantad dito ang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan at nagpapakita ng tunggalian sa pagitan ng may kapangyarihan at mga inaapi. Binigyang diin ni Hernandez ang kalagayan ng mga bilanggo at ang kanilang labis na pagdurusa sa kamay ng mga nasa kapangyarihan.

No comments:

Post a Comment

Pagsusuri: Ang Saranggola ni Efren Abueg

Buod ng Kwento Ang kwento ay nagsimula sa isang anak na gusto ng guryon ngunit siya ay tinuruan at ginabayan ng kanyang ama sa paggawa ng is...