Wednesday, October 16, 2024

Ang Lumang Bisikleta

  

  Sa gilid ng isang makitid na kalsada, masayang pinagmamasdan ng  batang si Hanz ang mga bata sa kanilang lugar na masayang nagbibisikleta. Mababanaag sa kanyang mata ang kapanabikan at ang pagnanais na magkaroon din nito ngunit batid niyang hindi ito kaya ng kanyang mga magulang. Siya ang tipo ng batang kahit na may gusto ay hindi niya ito pinagpipilitan sa kanyang mga magulang sapagkat kahit sampung taong gulang lamang siya ay alam na niya ang mga bagay na mas importante kaysa sa mga pansariling kagustuhan. 
   Isang araw, habang naglalaro siya sa kanilang bakuran, matagal na niyang napapansin ang isang lumang bisikleta na matagal nang nakatambak sa gilid ng isang garahe. Halos kalawangin na ito, ang gulong ay magaan na at halos wala na rin itong kakulay-kulay. Lumapit si Hanz at maingat na tinapik-tapik ang mga bahagi ng bisikleta. 
   "Mukhang ayos pa naman ang bisikletang ito kulang sa ayos pero magagamit pa naman" ani ni Hanz sa kanyang sarili. 
     Nilibot niya ang kanyang paningin at upang makasigurado na wala ng nagmamay-ari ng bisikleta ay nagtanong-tanong siya sa mga tao na malapit sa lugar ng pinagtapunan ng bisikleta. Hanggang sa mayroong siyang napagtanungan na isang lalaki. 
  "Manong! manong! Alam n'yo po ba kung kanino ang bisekleta na nakatambak sa garaheng iyon." aniya
     "Iyong bisekleta ba na sira-sira?" sagot ng lalaki. 
     "Opo, iyon nga." ani ni Hanz
     "Bakit iho?" dagdag pa ng lalaki. 
    Makikita sa mukha ng lalaki ang pagtataka ng sandaling tanungin siya ni Hanz na animo'y isang musmos na nagtatanong kung maaari pa ba ang bisekletang iyon. 
 "Ah-eh, nagtatanong-tanong po kasi ako kung may nagmamay-ari pa po ba ng bisekleta, nais ko po sanang kunin at ayusin ito. Matagal ko na po kasing gusto ng bisekleta pero hindi po kasi kaya ng nanay at itay ko na bumili ng bago." aniya
  "Ah ganun ba, ang bisekletang iyong nakita ay sa aking anak. Pinaglumaan na niya iyon kaya tinapon ko na at binilhan siya ng bago. Kung gusto mo ay sa iyo na lang." ani ng lalaki. 
  Ganun na lamang ang galak at tuwa na naramdaman ng bata ng sambitin ng lalaki na ibinibigay na niya ito kay Hanz. Sa sobrang tuwa nito ay hindi na niya namalayan na nayakap na pala niya ang lalaki. 
 "Naku! pasensya na po, nadala lamang po ako ng aking emosyon."
  Napangiti na lamang ang lalaki at matamis na ngiti naman ang ibinalik ni Hanz at kaagad na nagpasalamat. Saka siya nagtungo muli sa garahe at kanyang binitbit ang bisekleta patungo sa kanilang bahay.
  "Nay, Tay!  Tingnan po ninyo ang aking dala-dala."
  Sandaling tumigil si Aling Julia, ina ni Hanz sa kanyang pagwawalis nang marinig niya ang tinig ni Hanz. 
  "Oh! Hanz, ano ba iyon at ika'y sumisigaw na riyan?" ani ng ina. 
   Sa kabilang dako, ang kanyang ama na si Mang Kanor ay nagsisibak ng kahoy at sandalibg napatigil.
   "Ano ba iyon, nak? At parang masyang-masaya ka."
  Kaagad na itinuro ni Hanz ang bitbit niyang bisekleta at napadako rito ang titig ng mag-asawa. 
  "Saan naman galing ang bisekletang iyan, Hanz. Mukhang lumang-luma na rin iyan at kalawangin na " ani ng ina. 
  "Nakita po roon sa may garahe, mukhang ok pa naman po kaya kinuha ko na po." aniya
  "Baka naman mayroong may-ari niyan." ani ng ama
 "Meron nga po itay ngunit nagpaalam po ako s akanya na kung maaari ay akin na lamang po at kanya po itong ibinigay dahil sa kalumaan po nito." 
 "Oh sya ganun ba, ano namang balak mo sa bisekletang iyan?  Nais mo bang tulungan kita na pagandahin iyan." ani ng ama
  Tumango ang anak at masayang ngumiti. Ganun na lamang ang paghanga ng ina kay Hanz na kahit mahirap lamang sila ay marunong itong magpahalaga ng bagay. 
  Nagsimula ng ayusin ng mag-ama ang bisekleta. Ang mga gabing ay napuno ng kwentuhan at tawanan habang pinapalitan nila angmga gulong, pinipinturahan ang bisikleta, at inaayos ang mga pihitan. Hindi na nila alintana ang mga pagod at hirap sa pag-aayos. 
   Pagkalipas ng ilang linggo ng masusing paggawa, natapos din ang bisikleta. Ang lumang bisekletang kalawangin, walang kakulay-kulay at sira ang gulong ay animo'y naging isang bago dahil sa pagtyatayaga ng mag-ama na pagandahin ito. Sa sobrang tuwa ni Hanz ay kanya na agad itong sinakyan at nagpedal habang binabaybay ang kalye, at mula sa bawat sulok ng kanilang baryo ay nakatanim na sa kanyang mga labi ang mga ngiti.
  "Salamat, Itay!" ang tanging nasambit ni Hanz, hindi lang dahil sa bisikletang natupad ang kanyang pangarap, kundi dahil natutunan niyang sa likod ng bawat paghihirap ay may gantimpalang higit pa sa materyal na bagay. Ang bisikletang iyon ay hindi lang simbolo ng isang pangarap na natupad, kundi ng pagmamahal, sakripisyo, at hindi matitinag na pagtutulungan.
  Mula noon, natutunan ni Hanz ang tunay na halaga ng pagkakaisa at pagmamahal sa pamilya. Para sa kanya, ang lumang bisikleta ay naging paalala na hindi lahat ng pangarap ay makakamtan sa madaling paraan. Minsan, kailangan lamang ng tiyaga, pagsisikap, at ang gabay ng mga mahal sa buhay upang makamit ang mga ninanais sa buhay.
  Sa mga sumunod na buwan matapos mapakinabangan ni Hanz ang lumang bisikleta, mas naging masigla at masaya ang bawat araw niya. Hindi lang ang kanyang pangarap ang natupad, kundi natutunan niyang magpahalaga sa mga simpleng bagay na may malasakit at kahulugan. Ang bisikleta na tila isang kalawangin na gamit, ngayon ay nagiging simbolo ng kanyang lakas at pananampalataya sa sarili at sa kanyang pamilya.
   Habang naglalakad siya patungong paaralan, nakita niya ang mga batang nagbibisikleta sa kalsada. Ngunit sa pagkakataong iyon, hindi na siya nakaramdam ng pagkainggit. Sa halip, ipinagmamalaki niya ang kanyang lumang bisikleta, na ngayon ay mas matibay at mas puno na ng makukulay na kulay.
  Isang hapon, habang nagbibisikleta siya sa tabing-daan, napansin niya ang isang batang katulad niya noon—nakatingin sa mga batang masayang naglalaro gamit ang kanilang mga bisikleta. Hindi na nakaligtas sa mata ni Hanz ang pagkasabik ng batang iyon, ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, naisip niyang isang araw, baka ang batang iyon din ay magkaroon ng pagkakataon na magsimula sa mga simpleng pangarap at matupad ang kanyang mga ninanais. Nagpunta si Hanz sa tabi ng kalsada at nilapitan ang batang iyon. "Gusto mo bang maglaro rin tulad nila?" tanong ni Hanz. Nilingon siya ng batang walang kasigla-sigla at saya sa kanyang mukha. “Hindi na po, wala naman akong bisikleta tulad nila” aniya. “Huwag kang mag-alala ipaparanas ko sayo kung paano magkaroon din ng sariling bisikleta” saad ni Hanz na mas lalong nagpalito sa bata. Sa puntong iyon ikinwento ni Hanz sa bata ang naging karanasan niya sa kung paano siya nagkaroon ng bisikleta. Nang matapos siya sa pagkukwento ay napatitig siya at doon niya lamang nakita ang mga ngiti sa labi ng isang musmos na bata. 
  “Wow! Ang galing-galing naman po ninyo”
 “Naku,  wala iyon. Sadyang pinagpala lang siguro ako at ngayon alam ko na kung bakit sa akin ibinigyan ang bisikleta.”
  Muling nagtaka ang bata. “Ano po ang ibig ninyong sabihin.” “Ibinigay sa akin ang bisikleta upang maging daan ako sa mga katulad mo. Sa mga batang tulad ko na may simpleng pangarap at nais lang na maging masaya sa buhay.” Ibinigay ni Hanz ang bisikleta sa bata at kitang-kita ang saya sa mga mata ng paslit.  
  “Totoo po ba ito?” Agad na ngumiti si Hanz at tumango. Nagpasalamat ang bata at mahigpit siyang niyakap nito. Maluha-luha pa ang naging reaksyon ng bata. “Malaking tulong po ito sa amin, tinutulungan ko po kasi si nanay sa paglalako ng suman. May katandaan na po kasi siya kaya kahit sa ganitong bagay matulungan ko po siya” ani ng bata. Naantig ang damdamin ni Hanz sa ikinwento sa kanya at hindi siya nagsisisi na ibinigay niya ang kanyang bisikleta at pinaalalahanan ang bata na anumang bagay ay mahalaga kaya ingatan at mahalin ito. At sa huling pagkakataon ay sinambit niya ang mga katagang "Kung mayroon kang pangarap, laging may paraan upang magtagumpay. Hindi madali, ngunit matututo ka sa bawat hakbang," ang batang lalaki ay nanatiling nakikinig, puno ng pag-asa sa mga salita ni Hanz. 
 Ang mga alaala sa kanyang lumang bisikleta ay mananatiling may malaking parte sa kanyang buhay. Dahil sa lumang bisikletang iyon, natutunan ni Hanz na sa bawat pagsubok ay may pagkakataon at sa bawat pangarap, may kabuntot na sakripisyo. Hindi lang siya natutong magbike; natutunan din niyang magsikap, magpahalaga, at magbigay sa mga taong mas nangangailangan. Ngayon, ang hiling na lamang niya ay ang lumaki na siya at maging matagumpay sa buhay upang marami pa siyang matulungan na mas nangangailangan. Hindi magiging madali pero para kay Hanz ang buhay ay hindi puro sarap kailangan mong magsumikap at gumalaw upang ang mga pangarap ay iyong makamtan. 

 


Sanggunian: https://images.app.goo.gl/iJC7kkTnV9L3Ke2m9 

No comments:

Post a Comment

Pagsusuri: Ang Saranggola ni Efren Abueg

Buod ng Kwento Ang kwento ay nagsimula sa isang anak na gusto ng guryon ngunit siya ay tinuruan at ginabayan ng kanyang ama sa paggawa ng is...