Thursday, November 28, 2024
KAHALAGAHAN NG WIKA SA AGRIKULTURA
Tuesday, November 26, 2024
Mga Paksa sa Debatehan
a. Ilagay mo ang iyong sarili sa isang long term relationship na kung saan ikaw rin ay isang estudyante na nasa ikaapat na antas ng pag-aaral sa kolehiyo o sa madaling salita isang graduating student. Hahayaan mo ba na maapektuhan ng relasyon mo ang iyong pag-aaral o hahayaan mo na maapektuhan ng pag-aaral mo ang relasyon mo.
b. Sa pagbuo ng banghay aralin, ano ang mas nararapat na unahin at pairalin ng isang guro ang puso at isip ba o ang estratehiya at oras?
c. Dahil sa mataas na heat index na nangyayari sa bansa natin, ano ang mas epektibong paraan ng pagkatuto ng mga mag-aaral (elementarya, sekondarya at kolehiyo), asynchronous ba o ftf classes?
d. Nitong nakaraang taon maging sa ngayon napakaraming artista at influencer ang napabalitaang naghiwalay dahil sa iba't ibang isyu na nangyayari sa kanilang relasyon. Ang karamihan sa mga ito ay mula sa isang mahabang relasyon ng pagsasama. Sa mga isyung napabalita, sapat bang dahilan sa paghihiwalay ang sinasabi nilang hindi sila naggrogrow bilang magkarelasyon? Oo o hindi.
e. Ikaw ay mayroong karelasyon at kayo ay 3 taon ng nagsasama, nabalitaan mo na sa tuwing kayo ay nag-aaway alam din ito ng pamilya at mga kaibigan niya. Tama ba na alam din ng pamilya at mga kaibigan niya ang away ninyo bilang magkarelasyon? Tama o Hindi.
f. Ngayong ika-21 siglo, umusbong ang mga ai na tinatawag o ang artificial intelligence na tunay namang namang nakatulong talaga sa lahat ng tao. Ngunit sa patuloy na paggamit nito, masasabi mo bang isang banta o panganib sa atin ang paggamit nito? Oo o hindi.
g. Sinasabing ang katawan ng isang babae ay dapat pinapanatiling malinis bago pa man siya humarap sa simbahan at tanggapin ang sakramento ng kasal. Kung ikaw ang nasa kalagayan ng isang babae, pabor ka ba rito? Oo o hindi?
h. Sa panahon ngayon at sa mga nakaraang mga taon, naging talamak sa ating bansa ang tinatawag nating teenage pregnancy na kung saan napakaraming mga kabataan ang maaagang nabubuntis at namumulat sa reyalidad ng buhay. Mula sa mga pabgyayaring ganito, sino ang dapat na nangunguna sa pagtuturo ng sex education, ang pamilya ba o ang paaralan. Dapat bang maging responsibilidad ng pamilya ang pagtuturo ng ganitong mga konsepto sa kanilang mga anak, o dapat itong ituro ng paaralan?
i. Sa kasalukuyang sistema, ang mga magkasintahang pareho ng kasarian ay hindi pinapayagan na magpakasal sa ating bansa dahilan upang maramdaman nila na sila ay pinagkakaitan ng karapatang magmahal at legal na pagkilala sa kanilang relasyon. Sa ngayon dapat na bang ilegal ang same sex mariage sa ating bansa? Oo o hindi.
j. Sinasabing ang edukasyon ang susi sa tagumpay. Ilagay mo ang iyong sarili sa isang taong iniisip kung ano ang susunod niyang hakbang upang maging maganda at maaayos ang kanyang buhay. Mulat siya na hindi lahat ng may diploma ay nagtatagumpay at hindi lahat ng walang diploma ay di nagtatagumpay. Sa ganitong sitwasyon, ano ang mas mahalaga: ang pagkakaroon ng diploma na nagpapakita ng edukasyon at kasanayan, o ang diskarte na nagbibigay ng kakayahan sa pagharap sa mga hamon at pagkakataon sa totoong mundo?"
k. Nais ng isang mag-aaral na magkaroon ng isang maayos at dekalidad na pag-aaral dahil naniniwala siya na ang edukasyon ang daan upang magtagumpay sa buhay. Saan mo siya hihikayatin na pumasok, pribadong paaralan o pampublikong paaralan? Pangatwiranan.
l. Sa panahon ngayon na mas binibigyang halaga ang pagkakapantay-pantay ng lahat ng uri ng tao. Dapat bang pagtuunan ng pansin ang pagtanggap sa parehong kasarian (gender equality) o dapat itong pangunahing magbigay ng prayoridad sa mga pangangailangan ng kababaihan (gender equity)?
Sanggunian: https://images.app.goo.gl/V61Wxbm5C1enKX629
Sunday, November 24, 2024
Pagsusuri: Attorney Woo
Ang Attorney Woo ay isang KDrama na tumatalakay sa kuwento ng isang 27-anyos na babaeng may Autism Spectrum Disorder (ASD) na si Woo Young-Woo. Si Woo Young-Woo ay may malalim na pagmamahal sa mga balyena at pinalaki ng kanyang amang mag-isa. Sa kanyang pag-aaral, nakaranas siya ng pambu-bully mula sa mga kaklase at guro dahil sa kanyang kondisyon. Doon niya nakilala si Dong Geu-ra-mi, isang kakaibang babae na naging kaibigan at tagapagtanggol niya laban sa mga nambu-bully.
Dahil sa kanyang 164 IQ, nagtataglay siya ng pambihirang memorya at malikhaing paraan ng pag-iisip. Ito ang dahilan kung bakit siya nagtapos bilang nangunguna sa klase mula sa prestihiyosong Seoul National University Law School at nakakuha ng mataas na marka sa bar exam. Nagsimula siyang magtrabaho bilang trainee lawyer sa isang malaking law firm na tinatawag na Hanbada Law Firm. Sa kabila ng mga diskriminasyon at panghuhusga sa kanya, nalalampasan niya ang mga kaso gamit ang kanyang natatanging pananaw at patuloy na lumalago bilang isang abogado. Ngunit kahit mataas ang kanyang IQ, nahihirapan siya sa aspeto ng pakikisalamuha at emosyonal na katalinuhan, na nagdudulot ng problema sa isang lipunang puno ng diskriminasyon.
Pinatunayan ni Woo Young-Woo na siya ay hindi pangkaraniwang abogado. Sa kabila ng kanyang sitwasyon, patuloy niyang ipinapakita sa kanyang sarili, mga kasamahan, at sa sistemang hudisyal ng Timog Korea na kaya niyang magtagumpay.
Ang seryeng ito ay base sa realidad. Marami nang mga taong may autism sa mundo, at bagama’t hindi lahat ay kagaya ni Woo Young-Woo, may ilan sa kanila na may mataas na IQ o espesyal na kakayahan. Ang Attorney Woo ay naglalarawan nang tumpak sa mga taong may autism, mula sa kanilang kilos, ugali, at kung paano nila hinaharap ang kanilang mga sitwasyon. Ang mga eksenang tulad ng pambu-bully sa paaralan at diskriminasyon sa trabaho ay repleksyon ng mga totoong nangyayari sa ating lipunan, kung saan may mga tao pa ring nagsasabi na ang mga tulad nila ay hindi nababagay sa ilang larangan.
Sa kabila ng lahat ng ito, ang seryeng ito ay nagbibigay ng inspirasyon na ang mga hamon sa buhay ay hindi hadlang upang magtagumpay. Napakahusay ng paglalarawan ng bawat eksena, na nagiging sanhi upang madama ng mga manonood ang emosyon at mas maunawaan ang sitwasyon ng mga taong may espesyal na pangangailangan.
Ang mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan ay hindi dapat minamaliit kundi tinutulungan, iniintindi, at binibigyan ng pagmamahal. Mahalagang kilalanin ang kanilang mga kakayahan at tulungan silang mapaunlad ito, kasabay ng pagtulong sa kanila na malampasan ang kanilang mga kahinaan. Ang konsepto ng inklusibong edukasyon ay dapat bigyang-diin, kung saan ang lahat ng mag-aaral—anuman ang kanilang kalagayan—ay may karapatang makapag-aral.
Ang seryeng ito ay nagbibigay-kaalaman tungkol sa Special and Inclusive Education, kung saan ipinapakita kung paano dapat bigyang-pantay na pagtrato ang mga mag-aaral na kabilang dito. Napapaisip ang mga manonood kung gaano kahirap ang pinagdadaanan ng mga taong may espesyal na pangangailangan at kung paano nila naipapakita ang kanilang determinasyon na patunayang mali ang mga paghusga sa kanila.
Inirerekomenda kong panoorin ang KDrama na ito dahil ito ay isang natatanging palabas na nagbibigay inspirasyon at kaalaman. Pinapakita nito kung paano hinarap ng isang taong may autism ang negatibong pagtingin sa kanya at kung gaano siya kahusay na nagtapos sa law school bilang top ng klase at pumasa sa bar exam. Ang Attorney Woo ay isang serye na tiyak na magpapaluha sa inyo at magpapaisip kung gaano natin dapat ipagpasalamat ang ating normal na kalagayan.
Friday, November 15, 2024
Panunuring Pampelikula
Thursday, November 14, 2024
Mahal Kita, Hanggang Wakas
Sa kanyang mga titig, animo'y ako'y natutunaw,
Sa tuwing ika'y nasa malayo, ako'y tila nauuhaw
Minsa'y nais na lamang, pangalan mo ay isigaw
Ngunit dahil sa distansya, 'di kita matanaw
Sa'yong mga salita, mundo'y nagiging magaan,
Ang puso'y laging napupuno ng galak at tawanan,
Sa tuwing ika'y kasama, wala na 'kong nanaisin pa
Pagmamahal mong walang hanggan, ligaya saki'y dala- dala
Sa lahat ng bagyong dumaan,
Ikaw ang nagsilbing lakas at tapang,
Bilang aking kasintahan, ako'y walang pag-aalinlangan
Pagka't lagi mong pinapadama na ika'y aking kasama
Sa bawat gabi, ikaw ang aking bituin,
Nagsisilbing liwanag na nais kong abutin
Ang buhay ko'y naging makulay
Sa pagdating mo sa aking buhay
At kung dumating man ang pagtatapos
Ang 'yong pag-ibig ay mananatili
Pagkat ang tunay na pagmamahal
Ay di magwawakas, walang hanggan
Sanggunian: https://images.app.goo.gl/zkSwyUE3zisZ8ztf9
Pribado o Publiko?
Ang edukasyon ay isang makapangyarihang kasangkapan na nagbibigay daan sa tagumpay at ng pag-abot ng mga pangarap ng bawat indibidwal. Kaya naman, bawat mag-aaral ay nagnanais ng isang maayos at dekalidad na pag-aaral upang matamo ang mga pangarap at magtagumpay sa buhay. Sa pag-pili ng paaralan, may dalawang pangunahing opsyon na karaniwang tinatalakay: ang pribadong paaralan at ang pampublikong paaralan. Parehong may mga benepisyo at hamon na kaakibat, at ang desisyon ay nakasalalay sa mga personal na layunin ng mag-aaral at kakayahan ng pamilya.
Ang mga pribadong paaralan ay kilala sa kanilang mga makabagong pasilidad, mas maliit na bilang ng mag-aaral sa bawat klase, at mga guro na may mataas na kalidad ng pagtuturo. Sa ganitong uri ng paaralan, ang mag-aaral ay may mas personal na atensyon mula sa mga guro at mas maraming oportunidad na ma-expose sa mga extracurricular activities. Ang mga kagamitan sa pagtuturo tulad ng mga laboratoryo, computer facilities, at library ay madalas na mas moderno at kumpleto, kaya’t nakatutulong ito sa pagpapalawak ng kaalaman ng mag-aaral. Gayunpaman, may kabuntot na gastos ang mga pribadong paaralan na hindi kayang tustusan ng lahat ng pamilya, kaya't nagiging hadlang ito para sa iba. Isa ito sa mga pumipigil sa ibang mga nagnanais na mag-aaral na makapasok sa ganitong uri ng paaralan sapagkat hindi naman lahat tayo ay biniyayaan ng maginhawang buhay.
Sa kabilang banda, ang pampublikong paaralan ay nag-aalok ng mas abot-kayang edukasyon para sa mga magulang na may limitadong kakayahan sa pinansyal. Sa kabila ng mas malaking bilang ng mag-aaral sa bawat klase, maraming pampublikong paaralan ang may mahusay na programa at mga guro na naglalayon ng mataas na kalidad ng pagtuturo. Bukod dito, ang mga pampublikong paaralan ay may malalim na koneksyon sa komunidad, kaya’t may mga pagkakataon ang mga mag-aaral na matuto hindi lamang sa loob ng silid-aralan kundi pati na rin sa kanilang pakikisalamuha sa iba’t ibang tao. Ang mga mag-aaral ay nagiging bahagi ng isang mas malaking komunidad na tumutulong sa kanilang personal na pag-unlad at paglago.
Sa huli, ang pinakamahalaga sa pagpili ng paaralan ay ang layunin ng mag-aaral na matamo ang dekalidad na edukasyon. Hindi mahalaga kung pribado o pampubliko, ang mag-aaral ay dapat magsikap, magtyaga nang mabuti, at tanggapin ang mga oportunidad sa pagkatuto na inaalok sa kanya. Sa huli, ang tagumpay ay hindi nakabase lamang sa uri ng paaralan kundi sa sipag, tiyaga, at dedikasyon ng bawat mag-aaral na magsikap upang makamtan ang kanilang mga pangarap.
Sanggunian: https://images.app.goo.gl/ryUnaUSqesdMPRaV7
Pagsusuri ng Dula: Sa Pula sa Puti
Sa Pula Sa puti ni Francisco Soc Rodrigo
Buod ng Dulang Napanood:
Ang dulang " Sa Pula, sa Puti na katha ni Francisco " Soc" Rodrigo ay pumapatungkol sa mag- asawang sina Kulas at Celing na nakatira sa isang baryong malapit sa isang sabungan. Ang mag-asawa ay mayroong katamtamang kalagayan sa buhay. Ang pangunahing suliranin sa dula ay ang pagkahumaling ni Kulas sa pagsusugal o pagsasabong ng manok na nagiging sanhi ng kanilang problema at pag-aaway ng mag-asawa. Isang araw palihim na pinapusta ni Celing ang kasambahay nilang si Teban sa manok ng kalaban, upang sa gayon ay kahit manalo o matalo si Kulas, wala silang talo. Sa una, nagdesisyon si Kulas na itigil ang bisyo nitong pagsasabong dahil sa kawalang nito ng pag-asa, ngunit nabago ang kanyang isip nang turuan siya ni Castor ng tamang estratehiya. Sa huli, nabigo pa rin itong manalo sa kadahilanang ang manok ng kalaban na kaniyang tinayaan ay siyang natalo. Dahil dito, pareho silang natalo sa sugal ng kaniyang asawang si Celing, at napilitang tuparin ang pangako ni Kulas na ihawin ang lahat ng tinali at tuluyan ng itigil ang bisyo nitong pagsusugal.
Pagkakaiba ng Damdamin sa Panonood ng Dula kumpara sa Pelikula o Telebisyon:
Ang kakaibang damdamin sa panonood ng dula kumpara sa telebisyon ay ramdam na ramdam ko ang pagiging personal at buhay ng bawat eksena na aking napapanood dahil kitang-kita ko mismo ang lahat. Sa telebisyon, may kasiguraduhan ang bawat eksenang pinapanood dahil dumaan na ito sa editing at maraming ulit ng pagkuha. Ngunit sa dula, ang lahat ay live at walang cut o take two taliwas sa pelikula o telebisyon. Ang bawat pagkilos at pagbigkas ng linya ay nararanasan ko nang mas buo at totoo, kaya mas napupukaw at damang- dama ko ang palitan at emosyon. Dagdag pa rito, sa dula, walang nagiging hadlang sa aking paningin sa aktwal na aktor o ang mga nagsisipagganap dahil nakikita ko ang bawat pagkilos at reaksyon nang direkta, na tila ay nagtatanggal ng distansya sa pagitan ng mga karakter at ng aking sarili bilang manonood. Dahil dito, mas damang-dama ko ang pagiging bahagi ng kuwento kumpara sa panonood ng telebisyon kung saan ang pakiramdam ko ay manonood lamang ako sa isang screen.
Sanggunian: http://fortvillejourney.blogspot.com/2011/04/sa-pula-sa-puti-ni-francisco-soc.html?m=1
Tuesday, November 12, 2024
Editoryal: "Kasunduan para sa Katahimikan"
Sa likod ng mga pader at tahimik na sulok ng ating lipunan, maraming kwento ng pang-aabuso ang nagtatapos sa isang masalimuot na kasunduan. Hindi para sa katarungan, kundi para sa katahimikan. Ito ang katotohanang isiniwalat sa dokumentaryong "Kapalit ng Katahimikan" ni Kara David, kung saan itinampok ang mga karanasang masakit at masalimuot sa mga naging biktima ng pang-aabuso. Sa halip na ilaban ang hustisya, ang mga biktima ay tinutulak na ayusin ang sitwasyon upang protektahan ang pangalan at dignidad ng kanilang pamilya. Sa anong punto natin dapat tanungin kung ang katahimikan ay mas mahalaga kaysa sa dignidad at kalayaan ng mga biktima?
Hindi na lingid sa nakararami na ang ganitong mga pangyayari ay hindi na bago, tunay na nangyayari sa maraming mga Pilipino. Sa dokumentaryo, lumilitaw na sa halip na pagbayarin ang mga maysala, ang mga pamilya mismo ng biktima ang nagsisilbing daan upang ang tunay na hustisya ay hindi makamtan, sa kadahilanang ayaw na nila ng gulo at kahihiyan. Kung minsan, ang kasunduan ay napapaloob sa pagbabayad ng pera bilang kapalit ng pananahimik ng biktima. Para naman sa iba, isang kasalang pilit na ipinapasok upang gawing lehitimo ang pang-aabusong ginawa.
"Ang tunay na hustisya ay hindi natatamo sa pananatili ng katahimikan," sabi ng isang tagapagtanggol ng karapatang-pantao na tumutulong sa mga biktima ng pang-aabuso. "Dapat magkaroon tayo ng sistemang nagbibigay ng lakas ng loob sa mga biktima upang magsalita at labanan ang kanilang mga pang-aabuso." dagdag pa niya.
Sa kabila ng kalakaran ng "kasunduang pananahimik," may mga organisasyong nagsusumikap upang bigyan ng boses ang mga biktima. Ang mga grupong ito tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Commission on Women (PCW), Gabriela Women’s Party at marami pang iba ay nagsusulong ng mga batas at proseso na nagbibigay ng sapat na proteksyon at suporta upang ang mga biktima ay mailigtas sa kamay ng pang-aabuso at magkaroon ng pagkakataong mailantad ang kanilang mga karanasan nang walang takot. Gayundin, nagpapamulat sa lipunan na ang pang-aabuso ay hindi maaaring ipagkibit-balikat lamang at ang anumang kasunduan ay walang halaga kung ang mga biktima ay patuloy na nabubuhay sa kanilang pagdurusa. Subalit, nakalulungkot lamang isipin na sa bawat hakbang tungo sa hustisya, tila mas marami pa ring nakararamdam ng takot at pangamba. Kung walang magtatanggol sa mga biktima, magpapatuloy ang kulturang ito ng pananahimik at pagbabalewala.
Ang mga ganitong kwento at karanasan ay nagpapaalala na sa bawat tahimik na kasunduan, may tinig na pinipilit patahimikin at may hustisyang nananatiling mailap. Ang mga kasunduan para sa katahimikan ay nagsilbing babala sa ating lipunan na ang tunay na kapayapaan ay nagmumula sa pagkilala sa karapatan at dignidad ng bawat isa lalo na ng mga biktimang matagal nang naghahanap ng hustisya. Higit sa lahat, ito ay nananawagan ng pagbabago hindi lamang sa sistema kundi sa pananaw ng bawat Pilipino. Panahon na upang iwaksi ang kultura ng “kasunduan” at pagtikom ng bibig sa mga kasong nagdudulot ng matinding sakit at pagkawasak ng mga buhay. Sapagkat, hangga’t ang hustisya ay ipinagpapalit sa katahimikan, ang pang-aabuso at kawalang-dangal ay mananatiling sugat na hindi maghihilom kailanman.
Sanggunian:
Monday, November 11, 2024
Pagsusuri ng Pelikulang Anak (2000)
Nilalaman
Ang pelikulang Anak, na pinagbibidahan nina Vilma Santos at Claudine Barretto, ay isang makabagbag-damdaming kwento ng pagmamahal, sakripisyo, pagpapatawad, at mga hindi pagkakaunawaan sa loob ng isang pamilya. Ipinakita ng pelikula ang kwento ng isang ina, si Josie (Vilma Santos), na piniling magtrabaho sa ibang bansa upang kumita ng malaki at matustusan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya. Sa kantang pakikipagsapalaran sa malayo, naging dahilan din ito ngpagkasira ng relasyon niya ng kantang mga anak at isa na nga rito ay ang kanyang na si Carla (Claudine Barretto) na nagrebelde at nagkaroon ng hinanakit at galit sa kanya.
Pagganap ng mga Artista
Ang mga pangunahing tauhan sa pelikula ay mahusay na ginampanan ang kanilang mga karakter. Si Vilma Santos, sa kanyang papel bilang Josie, ay nagbigay ng isang malalim na pagganap ng isang ina na puno ng sakripisyo, isangina na gagawin ang lahat para s akanyang mga anak at inang walang ibang hangarin kundi ang mapabuti ang buhay ng kanyang mga minamahal. Ipinakita niya ang mga emosyonal na aspeto ng kanyang karakter mula sa kalungkutan ng pagiging malayo sa anak hanggang sa hirap ng kanyang pagtanggap na siya ay nabigo bilang isang ina.
Si Claudine Barretto na ginampanan ang karakter ni Carla, ay isang dalaga na nakadama ng bigat ng pagkalayo ng kanyang ina noong siya ay bata pa at pagrerebeldebilang isangkabataan na nawalanng direkyon s abuhay dahil sa kakulangan ng paggabay ng magulang. Ang kanyang pagganap na isang kabataang naghahanap ng pagmamahal at atensyon mula sa ina ay nagpapakita ng hindi madaling transisyon mula sa kabataan patungo sa adulthood na puno ng galit at pagkabigo.
Tema at Mensahe
Isa sa mga pangunahing tema ng pelikula ay ang sakripisyo ng isang ina para sa kanyang pamilya lalong-lalo na ang mga kababayan nating mga OFW. Ipinakita ng pelikula kung paano ang naging hirap at pagtitiis ni Josie sa ibang bansa na nagdulot ng pagkawalay sa kanyang anak, at kung paano ito naka-apekto sa kanilang relasyon. Ang pelikula ay nagpapakita na ang mga desisyong ginagawa ng mga magulang ay hindi laging nagdudulot ng positibong epekto, at may mga pagkakataong ang mga anak ay naghahanap ng atensyon at pagmamahal na hindi nila natamo kung kaya't nakagagawa sila ng mga bagay na hindi nararapat.
Isa pang mahalagang tema ay ang pagpapatawad na kung saan sa huling bahagi ng pelikula ay makikita ang pagkabunyag ng mga naranasan at tiis na nagdulot para sa bawat isa na malaman kung ano ang mga pangyayari sa kanilang mga buhay. Habang ang mga magulang ay nagpapakahirap sa malayo para lang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga anak ay may mga pagkakataon na hindi palaging nakikita ng mga anak ang halaga nito.
Pagganap ng Direktoryo at Script
Ang direktor na si Rory B. Quintos ay mahusay na nakapaghatid ng kwento sa pamamagitan ng mga malalalim na eksena at pagkakaroon ng mga emosyonal na eksena o tagpo. Ang script ay puno ng mga diyalogo na tumatagos sa puso ng mga manonood, at ang bawat linya ay may bigat at kahulugan. Ang mga eksena ng pag-uusap at sigawan sa pagitan nina Josie at Carla ay nakapaghatid ng tensyon at nagpapakita ng mga tunay na emosyon ng kanilang karakter.
Cinematography at Musika
Ang cinematography ng pelikula ay nakatutok sa pagpapakita ng malalim na emosyon ng bawat eksena. May mga malalaking close-up shots na nagpapakita ng pagninilay at kalungkutan sa mga mukha ng mga aktor. Ang musika naman ay malumanay ngunit tumutugma sa bawat emosyonal na kaganapan sa pelikula. Ang background music ay nagbibigay ng mas malalim na epekto sa mga dramang eksena, nagpapalakas ng intensyon at pag-alala sa mga tema ng pamilya.
Konklusyon
Ang Anak ay isang pelikula na nagpapakita ng matinding sakripisyo ng isang ina mula saibang bansa at ang epekto ng distansya sa pamilya. Isinasalaysay nito ang mga hirap na dulot ng pagkalayo at personal na relasyon ng mag-ina. Ang pelikula ay hindi lamang isang pagninilay tungkol sa pamilya, kundi isang malalim na pagsusuri sa mga pagkatao ng mga magulang at anak, at kung paano ang kanilang relasyon ay nasusubok ng oras, distansya, at mga hindi pagkakaunawaan. Ang Anak ay isang pelikula na nag-aanyaya sa mga manonood na mag-isip at magtanong: "Ano nga ba ang tunay na halaga ng pamilya?" at "Ano ang kayang gawin mo para sa iyong pamilya?"
Sanggunian: https://images.app.goo.gl/yJHbwJtzWVa3WmXR8
Saturday, November 9, 2024
Pagsusuri sa Dagli
DAGLI:
SKYFAKES NI EROS ATALIA
Alas dose na. Nagsilabasan na ang mga kasamahan niya sa opisina. Lunch break. Niyaya siya ng mga ito na mananghalian. “Sunod na ako, tapusin ko lang itong pinipagawa ni Sir, kailangan daw ng 2 pm, e.”, wika niya. Naiwan siya sa opisina. Pinaspasan niya ang trabaho. Unti-unti nang umiinit. Hinubad niya ang blazer. Pinapatay kasi ang aircon sa opisina nila kapag lunch break. 12:40 tapos na ang trabaho. Tinext siya ng kanyang mga kaopisina kung nasaan na siya. Nag-reply siya” D p tpos. Nxt time n Ing. Nwy, I’ll just eat my baon here.” Kinakailangang niyang ma-promote. Kailangan niya lang siguro ng magandang break.
Sa pinapatrabaho ng kaniyang boss, baka ito nga ang kaniyang break. Mula sa kaniyang kinauupuan, kitang-kita niya ang nagdidilim na langit. Dinukot ang pitaka. Binuksan. Tinitigan ang larawan ng mga anak. Binilang ang barya sa pitaka. Muli tiningnan ang langit. “Wag kang uulan. Wag”.
Kumakalam na ang kaniyang tiyan. Binuksan niya ang drawer. May isa pang pakete ng biskwit. Binuksan niya ito. Kumain. Tumungo sa water dispenser. Kumuha ng disposable cup. Uminom ng tatlong basong malamig na tubig. Napadighay siya. Bumalik sa pwesto. Muling tumingin sa langit. Hindi niya tiyak kung makulimlim o maaraw.
Napailing siya.” Makisama ka naman. Wag kang umulan. Wag.” Muling binilang ang barya sa pitaka.
Pagsusuri:
SIMBOLISMO:
• Ulan- Mga pagsubok o mga bagay na hindi inaasahan, tulad ng kalagayan ng pangunahing tauhan.
• Ang pitaka at barya- kalagayan o estado ng buhay na sa kabila ng kanyang trabaho at mga pangarap, ang kanyang yaman ay tila hindi sapat.
• Ang larawan ng mga anak sa pitaka- sumisimbilo sa kanyang mga alalahanin at responsibilidad, at maaaring magsimbolo ng kanyang pangarap na magtagumpay para sa kanilang kapakanan.
ESTILO: Gumamit ang may-akda ng isang masining at diretso bikang paraan ng pagsasalaysay, kung saan ang pangunahing karakter ay abala sa kanyang trabaho at sa mga simpleng gawain na may kasamang mga maliliit na personal na pagninilay. Ginamit din ang wika na katulad ng karaniwang ginagamit sa isang modernong tagpuan na nagpapakita ng pagiging kontemporaryo at makakakonek sa mga mambabasa.
TAYUTAY:
• Personipikasyon: “Makisama ka naman. Wag kang umulan. Wag.” Ang langit ay itinuturing na parang isang tao na maaaring makipag-ugnayan o makisama. Sa mga linyang ito, ipinapakita na tila may kontrol ang langit sa mga pangyayari, tulad ng pag-ulan, at may pakiramdam ng paghiling o panawagan mula sa tauhan na sana ay hindi umulan.
• Onomatopeya: "Napadighay siya." Ang paggamit ng salitang "dighay" ay hindi lamang tumutukoy sa isang pisikal na aksyon kundi nagpapakita rin ng kaluwagan o saglit na pag-aalis ng tensyon mula sa loob ng katawan ng tauhan.
• Ironiya: “Muli tiningnan ang langit. Hindi niya tiyak kung makulimlim o maaraw." Ang ironiyang ito ay nagpapakita ng kontradiksyon sa kalagayan ng tauhan at ng kalikasan. Bagamat umaasa ang tauhan na hindi uulan, hindi niya tiyak ang magiging kalagayan ng panahon kaya nagiging simbolo ito ng kawalan ng kontrol at hindi tiyak na maaring maganap.
TEORYANG PAMPANITIKAN:
• Teoryang Realismo: Ang kwento ay nagpapakita ng mga karaniwang karanasan at sentimiyento ng isang tao sa opisina, ang kanyang pangarap na mapromote, at ang mga simpleng gawain tulad ng pagkain at pagtingin sa kalangitan. Ang pagsasalarawan ng karaniwang buhay ng isang tao sa pang-araw-araw ay nagsisilibing larawan ng realidad.
• Teoryang Sikolohikal - Maaaring tingnan ang akda mula sa isang sikolohikal na perspektibo dahil ipinapakita nito ang emosyonal na kalagayan ng pangunahing karakter sa pamamagitan ng kanyang mga panloob na monologo at mga diyalogo sa sarili. Ang mga pagninilay na ito ay nagpapakita ng pagkabalisa, pag-asa, at ang pangangailangan na makalabas mula sa kasalukuyang kalagayan.
Sanggunian: https://www.entrepreneur.com/leadership/3-reasons-why-you-are-failing-at-problem-solving/228096
Thursday, November 7, 2024
Dagli: Sigaw ni Juan
"Mabuhay ang bansang Pilipinas" yan ang sigaw na nagmumula sa mga taong nagpaplano para sa kalayaan ng bansa.
Sa pagdating ng mga dayuhan, maraming buhay ang nawala, mga kabuhayang nasira at ang pag-asang unti-unti ng nawawala. Sigaw, hagulgul at iyakan na lamang ang naririnig sa paligid. Umaga't gabi tila ba parang hindi nauubos ang mga tinig at luha ng tao.
Si Aling Maria na isang matanda na ay kasalukuyang kumukuha ng panggatong sa harap ng kanyang bakuran. Nang kanyang mapansin ang kanyang anak na si Juan na naglalakad patungo sa tarangkahan ng mga dayuhan na may dala-dalang bandila.
"Anak, saan ka pupunta?" tanong ni Aling Maria, nag-aalala.
"Inang, magkakaroon ngayon ng isang paglusob laban sa mga dayuhan. At isa ako sa mga nagsagawa ng plano. Panahon na upang ipaglaban natin ang ating kalayaan!" sagot ni Juan, puno ng sigasig.
Sa kabila ng pag-aalala, alam ni Aling Maria na hindi niya maiiwasan ang pagnanais ng kanyang anak. "Sige, ngunit ingatan mo ang iyong sarili ," aniya.
Nang lumipas ang mga araw, narinig ni Aling Maria ang mga sigaw at putok ng baril mula sa tarangkahan. Nagmadali siyang lumabas at tumakbo roon. Pagdating niya, nakita niya ang mga sugatang tao, at sa gitna ng kaguluhan, napansin niya ang kanyang anak, nakahandusay sa lupa.
Ngunit sa kanyang paglapit, bumangon si Juan, at sa likod niya, ang mga kasama niya, buo ang loob at may tagumpay. "Nanalo tayo, Inang!" sigaw ni Juan.
May kung anu-anu na nagpadako sa tingin ni Aling Maria. At doon ay nakita niya ang isang pamilyar na lalaki, nakahandusay, duguan at wala nang buhay. Napahagulgol si Aling Maria at ang tangi na lamang niyang nasambit, "Natalo natin ang iyong ama."
Sanggunian ng larawan: https://images.app.goo.gl/W7rerpxWVZn288pH7
Monday, November 4, 2024
Buod ng Maikling Kwento "Saranggola" ni Efren Abueg
Nang siya ay lumalaki, nagkaroon ang bata ng mga bagong hilig at pangarap na iba sa nais ng kanyang ama. Gayunpaman, paulit-ulit siyang pinaalalahanan ng ama tungkol sa pagtitipid, pag-iwas sa labis na paggastos, at pagdiskubre ng tunay na halaga ng mga bagay. Dahil dito, nadama niya ang hirap at naging tampulan ng hinanakit ang ama.
Nang siya ay magkokolehiyo, ninais niyang kumuha ng kursong commerce kasama ang mga kaibigan, ngunit pinili ng ama ang kursong mechanical engineering upang ipagpatuloy ang negosyo ng pamilya. Kahit masama ang loob, sinunod pa rin niya ang kagustuhan ng ama. Sa huli, matapos makapagtapos at magtagumpay sa pagsusulit ng gobyerno, hindi agad ipinasa ng ama ang machine shop sa kanya. Sa halip, binigyan siya ng kapital upang magtayo ng sariling negosyo at suportahan ang sariling pangarap. Sa bandang huli, naiparating ng ama ang tunay na kahulugan ng pagbuo ng sariling tagumpay—isang aral na tila nahubog simula pa lang ng paggawa ng kanyang sariling saranggola.
Saturday, November 2, 2024
Ang Huling Tahol ni Mak
"Nay, Tay, miss na miss ko na kayo," bulong ko sa hangin. Sana'y isang masamang panaginip lamang ang lahat, kung paanong sa isang iglap ay nawala ang lahat ng aking minamahal. Limang taon na ang nakalipas mula nang kayo'y pumanaw, ngunit hanggang ngayon, sariwang-sariwa pa rin ang sakit ng inyong pagkawala.
"Arf! Arf! Arf!" tahol ng aking alagang si Mak, na tila nag-aanyaya ng kaaliwan sa akin. Lumapit siya at dinila-dilaan ako, ramdam ko na kahit wala na kayo, nandiyan naman si Mak, ang aking matatag na kasama sa bawat lungkot at pangungulila. Siya na lang ang natitirang anino ng mga alaala.
"Parang kahapon lang, magkakasama pa tayo rito, Nay at Tay," bulong ko kay Mak. "Ngayon, ako na lang ang naiwan; ikaw na lang ang natitira kong kasama."
Tahimik si Mak, ngunit tila may kabang bumabalot sa aking paligid. Kasabay ng pangungulila ko, ang pagbuhos ng ulan. Nasa beranda kami ni Mak, kaya’t nagpasya akong pumasok na sa loob. "Tara, Mak, pasok na tayo," sabi ko.
Ngunit nang lingunin ko siya, wala na si Mak. Sa gitna ng malamig na ulan, nakita ko na lamang siyang naglalaho sa himpapawid, parang usok na nilamon ng hangin. At sa sandaling iyon, naisip ko—limang taon na rin pala ang lumipas nang marinig ko ang huling tahol mo Mak.
Pagsusuri: Ang Saranggola ni Efren Abueg
Buod ng Kwento Ang kwento ay nagsimula sa isang anak na gusto ng guryon ngunit siya ay tinuruan at ginabayan ng kanyang ama sa paggawa ng is...

-
Mapagpalayang Araw! Ako si Geizel Yamson Frane, isang mag-aaral sa Unibersidad ng Mindoro-Main Campus at kasalukuyang nasa ikatlong taon...
-
Pamagat: “Dahil Kay Ma’am: Isang Pagpupugay sa mga Guro” I. Panimula Ang video na “Dahil Kay Ma’am” ay isang makabagbag-damdaming kwento...
-
Ang kuwentong "Saranggola," ay nagpapakita ng paghubog ng isang ama sa kanyang anak sa pamamagitan ng disiplina at praktika...