Saturday, November 2, 2024

Ang Huling Tahol ni Mak


                 "Huwag po ninyo akong iwan," sambit ko, ang aking tinig ay pira-piraso sa takot. Pawis na pawis at hinahabol ang hininga, nagising ako mula sa isang napakasamang panaginip. Sa sandaling iyon, tila ang lahat ng aking kalamnan ay nanlambot, dahil narito na naman ako—hinaharap ang aking madilim na nakaraan.

             "Nay, Tay, miss na miss ko na kayo," bulong ko sa hangin. Sana'y isang masamang panaginip lamang ang lahat, kung paanong sa isang iglap ay nawala ang lahat ng aking minamahal. Limang taon na ang nakalipas mula nang kayo'y pumanaw, ngunit hanggang ngayon, sariwang-sariwa pa rin ang sakit ng inyong pagkawala.

                 "Arf! Arf! Arf!" tahol ng aking alagang si Mak, na tila nag-aanyaya ng kaaliwan sa akin. Lumapit siya at dinila-dilaan ako, ramdam ko na kahit wala na kayo, nandiyan naman si Mak, ang aking matatag na kasama sa bawat lungkot at pangungulila. Siya na lang ang natitirang anino ng mga alaala.

              "Parang kahapon lang, magkakasama pa tayo rito, Nay at Tay," bulong ko kay Mak. "Ngayon, ako na lang ang naiwan; ikaw na lang ang natitira kong kasama."

                 Tahimik si Mak, ngunit tila may kabang bumabalot sa aking paligid. Kasabay ng pangungulila ko, ang pagbuhos ng ulan. Nasa beranda kami ni Mak, kaya’t nagpasya akong pumasok na sa loob. "Tara, Mak, pasok na tayo," sabi ko.

             Ngunit nang lingunin ko siya, wala na si Mak. Sa gitna ng malamig na ulan, nakita ko na lamang siyang naglalaho sa himpapawid, parang usok na nilamon ng hangin. At sa sandaling iyon, naisip ko—limang taon na rin pala ang lumipas nang marinig ko ang huling tahol mo Mak.


No comments:

Post a Comment

Pagsusuri: Ang Saranggola ni Efren Abueg

Buod ng Kwento Ang kwento ay nagsimula sa isang anak na gusto ng guryon ngunit siya ay tinuruan at ginabayan ng kanyang ama sa paggawa ng is...