Sa Pula Sa puti ni Francisco Soc Rodrigo
Buod ng Dulang Napanood:
Ang dulang " Sa Pula, sa Puti na katha ni Francisco " Soc" Rodrigo ay pumapatungkol sa mag- asawang sina Kulas at Celing na nakatira sa isang baryong malapit sa isang sabungan. Ang mag-asawa ay mayroong katamtamang kalagayan sa buhay. Ang pangunahing suliranin sa dula ay ang pagkahumaling ni Kulas sa pagsusugal o pagsasabong ng manok na nagiging sanhi ng kanilang problema at pag-aaway ng mag-asawa. Isang araw palihim na pinapusta ni Celing ang kasambahay nilang si Teban sa manok ng kalaban, upang sa gayon ay kahit manalo o matalo si Kulas, wala silang talo. Sa una, nagdesisyon si Kulas na itigil ang bisyo nitong pagsasabong dahil sa kawalang nito ng pag-asa, ngunit nabago ang kanyang isip nang turuan siya ni Castor ng tamang estratehiya. Sa huli, nabigo pa rin itong manalo sa kadahilanang ang manok ng kalaban na kaniyang tinayaan ay siyang natalo. Dahil dito, pareho silang natalo sa sugal ng kaniyang asawang si Celing, at napilitang tuparin ang pangako ni Kulas na ihawin ang lahat ng tinali at tuluyan ng itigil ang bisyo nitong pagsusugal.
Pagkakaiba ng Damdamin sa Panonood ng Dula kumpara sa Pelikula o Telebisyon:
Ang kakaibang damdamin sa panonood ng dula kumpara sa telebisyon ay ramdam na ramdam ko ang pagiging personal at buhay ng bawat eksena na aking napapanood dahil kitang-kita ko mismo ang lahat. Sa telebisyon, may kasiguraduhan ang bawat eksenang pinapanood dahil dumaan na ito sa editing at maraming ulit ng pagkuha. Ngunit sa dula, ang lahat ay live at walang cut o take two taliwas sa pelikula o telebisyon. Ang bawat pagkilos at pagbigkas ng linya ay nararanasan ko nang mas buo at totoo, kaya mas napupukaw at damang- dama ko ang palitan at emosyon. Dagdag pa rito, sa dula, walang nagiging hadlang sa aking paningin sa aktwal na aktor o ang mga nagsisipagganap dahil nakikita ko ang bawat pagkilos at reaksyon nang direkta, na tila ay nagtatanggal ng distansya sa pagitan ng mga karakter at ng aking sarili bilang manonood. Dahil dito, mas damang-dama ko ang pagiging bahagi ng kuwento kumpara sa panonood ng telebisyon kung saan ang pakiramdam ko ay manonood lamang ako sa isang screen.
Sanggunian: http://fortvillejourney.blogspot.com/2011/04/sa-pula-sa-puti-ni-francisco-soc.html?m=1
No comments:
Post a Comment