Ang Attorney Woo ay isang KDrama na tumatalakay sa kuwento ng isang 27-anyos na babaeng may Autism Spectrum Disorder (ASD) na si Woo Young-Woo. Si Woo Young-Woo ay may malalim na pagmamahal sa mga balyena at pinalaki ng kanyang amang mag-isa. Sa kanyang pag-aaral, nakaranas siya ng pambu-bully mula sa mga kaklase at guro dahil sa kanyang kondisyon. Doon niya nakilala si Dong Geu-ra-mi, isang kakaibang babae na naging kaibigan at tagapagtanggol niya laban sa mga nambu-bully.
Dahil sa kanyang 164 IQ, nagtataglay siya ng pambihirang memorya at malikhaing paraan ng pag-iisip. Ito ang dahilan kung bakit siya nagtapos bilang nangunguna sa klase mula sa prestihiyosong Seoul National University Law School at nakakuha ng mataas na marka sa bar exam. Nagsimula siyang magtrabaho bilang trainee lawyer sa isang malaking law firm na tinatawag na Hanbada Law Firm. Sa kabila ng mga diskriminasyon at panghuhusga sa kanya, nalalampasan niya ang mga kaso gamit ang kanyang natatanging pananaw at patuloy na lumalago bilang isang abogado. Ngunit kahit mataas ang kanyang IQ, nahihirapan siya sa aspeto ng pakikisalamuha at emosyonal na katalinuhan, na nagdudulot ng problema sa isang lipunang puno ng diskriminasyon.
Pinatunayan ni Woo Young-Woo na siya ay hindi pangkaraniwang abogado. Sa kabila ng kanyang sitwasyon, patuloy niyang ipinapakita sa kanyang sarili, mga kasamahan, at sa sistemang hudisyal ng Timog Korea na kaya niyang magtagumpay.
Ang seryeng ito ay base sa realidad. Marami nang mga taong may autism sa mundo, at bagama’t hindi lahat ay kagaya ni Woo Young-Woo, may ilan sa kanila na may mataas na IQ o espesyal na kakayahan. Ang Attorney Woo ay naglalarawan nang tumpak sa mga taong may autism, mula sa kanilang kilos, ugali, at kung paano nila hinaharap ang kanilang mga sitwasyon. Ang mga eksenang tulad ng pambu-bully sa paaralan at diskriminasyon sa trabaho ay repleksyon ng mga totoong nangyayari sa ating lipunan, kung saan may mga tao pa ring nagsasabi na ang mga tulad nila ay hindi nababagay sa ilang larangan.
Sa kabila ng lahat ng ito, ang seryeng ito ay nagbibigay ng inspirasyon na ang mga hamon sa buhay ay hindi hadlang upang magtagumpay. Napakahusay ng paglalarawan ng bawat eksena, na nagiging sanhi upang madama ng mga manonood ang emosyon at mas maunawaan ang sitwasyon ng mga taong may espesyal na pangangailangan.
Ang mga mag-aaral na may espesyal na pangangailangan ay hindi dapat minamaliit kundi tinutulungan, iniintindi, at binibigyan ng pagmamahal. Mahalagang kilalanin ang kanilang mga kakayahan at tulungan silang mapaunlad ito, kasabay ng pagtulong sa kanila na malampasan ang kanilang mga kahinaan. Ang konsepto ng inklusibong edukasyon ay dapat bigyang-diin, kung saan ang lahat ng mag-aaral—anuman ang kanilang kalagayan—ay may karapatang makapag-aral.
Ang seryeng ito ay nagbibigay-kaalaman tungkol sa Special and Inclusive Education, kung saan ipinapakita kung paano dapat bigyang-pantay na pagtrato ang mga mag-aaral na kabilang dito. Napapaisip ang mga manonood kung gaano kahirap ang pinagdadaanan ng mga taong may espesyal na pangangailangan at kung paano nila naipapakita ang kanilang determinasyon na patunayang mali ang mga paghusga sa kanila.
Inirerekomenda kong panoorin ang KDrama na ito dahil ito ay isang natatanging palabas na nagbibigay inspirasyon at kaalaman. Pinapakita nito kung paano hinarap ng isang taong may autism ang negatibong pagtingin sa kanya at kung gaano siya kahusay na nagtapos sa law school bilang top ng klase at pumasa sa bar exam. Ang Attorney Woo ay isang serye na tiyak na magpapaluha sa inyo at magpapaisip kung gaano natin dapat ipagpasalamat ang ating normal na kalagayan.
No comments:
Post a Comment