Friday, December 20, 2024

Pagsusuri: Ang Saranggola ni Efren Abueg


Buod ng Kwento

Ang kwento ay nagsimula sa isang anak na gusto ng guryon ngunit siya ay tinuruan at ginabayan ng kanyang ama sa paggawa ng isang simple at maliit na saranggola. Ito ay hindi dahil sa pagtitipid kundi para maturuan ang anak ng aral sa tiyaga, dedikasyon, at pag-iingat. Nang malapit ng magtapos ang binata at papunta na ng kolehiyo, gusto niyang mag-aral ng Commerce upang makasama ang mga kaibigan. Ngunit hind Ito nababagay sa kanyang kakayahan ayon sa kanyang mga magulang. Siya ay pinakuha ng Mechanical Engineering dahil dito siya magaling ito at siya ang magmamania ng kanilang mga negosyo. Sa halip na humalili biling may-ari ng kanilang negosyo, binigyan lamang siya ng pera upang magbukas ng sariling negosyosyo. Kinakumpitensya ng anak ang sarili niyang ama. Siya ay nalugi pero nakabangon muli at hindi na niya kinausap ang ama hanggang sa siya ay magkapamilya. Namatay ang ama niya ng hindi sila nagkikita ngunit nsamabit ng ina na wala itong hinanakit sa anak dahil natupad naman ang mga pangarap nito.

I. URI NG KWENTO

Ang kwento ay umiikot sa buhay at pag-unlad ng pangunahing tauhan, mula sa kanyang pagiging bata hanggang sa pagtanda. Itinatampok ang kanyang emosyon, galit, pagsisisi, at pag-unawa sa mga aral na iniwan ng kanyang ama. Ang sentro ng kwento ay ang relasyon ng mag-ama at ang personal na pagbabago ng anak dulot ng mga karanasan. 

II. PAMAGAT

Ang kwento ay pinamagatang “Ang saranggola” sapagkat ito ay sumisimbolo sa mga aral sa buhay na itinuro ng ama sa anak na ang tagumpay ay nakasalalay sa tiyaga, husay, at disiplina, hindi sa laki o yaman.

III. NILALAMAN

A. Tauhan

Ama: Isa siyang huwarang magulang na naniniwala sa kahalagahan ng kasipagan at pagtitiis kaysa sa pag-asa sa yaman o layaw. Bagama’t mahigpit siya, ang kanyang layunin ay maihanda ang anak para sa mas mabibigat na hamon sa buhay.

Anak: Simbolo ng mga kabataan na hindi agad nauunawaan ang mga sakripisyo at intensyon ng magulang. Ang kanyang galit ay bunga ng hindi pagkakaintindihan sa mga aral ng kanyang ama.

Ina: Tagapamagitan ng ama at anak, na nagsisikap panatilihin ang pagkakaisa sa pamilya.

B. Tagpuan

Bahay: Simbolo ng tahanan bilang sentro ng aral at gabay sa buhay ng bawat anak.

Bukid: Lugar kung saan natutunan ng anak ang tiyaga at kasanayan sa pamamagitan ng pagpapalipad ng saranggola.

Machine Shop: Simbolo ng tagumpay at independensiya na nais ipamana ng ama sa anak.

Probinsya: Lugar ng pagninilay at pagbabalik-tanaw sa mga aral ng nakaraan.

C. Galaw ng Pangyayari o Banghay

1. Pangunahing Pangyayari

Ang anak ay tinuruan ng ama na gumawa at magpalipad ng sariling saranggola, sa kabila ng kanyang kagustuhang bumili ng mas maganda at malaki. Simboliko ito ng pagtuturo ng ama sa anak na maging responsable at matutong magtiis.

2. Pasidhi o Pataas na Pangyayari

Lumalago ang galit ng anak sa kanyang ama dahil sa mahigpit nitong patakaran, kahit sa simpleng bagay tulad ng damit at sapatos. Ang pagpili ng kurso ng anak sa kolehiyo ay naging malaking isyu rin dahil hindi pinakinggan ng ama ang kagustuhan ng anak.

3. Karurukan o Kasukdulan

Sa kabila ng tagumpay sa negosyo, naging malamig ang relasyon ng anak sa kanyang ama. Tumindi pa ang galit nang hindi siya tinulungan ng ama noong nalugi ang kanyang negosyo, kaya't tuluyan na niyang kinalimutan ang kanyang ama.

4. Kakalasan o Pababang Aksyon

Nang mamatay ang ama, nagbalik-tanaw ang anak sa mga aral na iniwan nito, lalo na ang tungkol sa saranggola at sa kahalagahan ng tiyaga, husay, at disiplina sa tagumpay.

5. Wakas

Naunawaan ng anak ang sakripisyo ng kanyang ama at ang layunin nitong hubugin siya upang maging matagumpay. Ang kanyang pagsisisi ay hudyat ng pagkilala sa kahalagahan ng gabay ng magulang.

IV. TAGLAY NA BISA

1. Bisa sa Isip

Ang kwento ay nagtuturo na ang tagumpay ay hindi lamang nakasalalay sa kayamanan o layaw, kundi sa pagsusumikap at tamang disiplina. Nagsisilbi itong paalala na ang mga aral ng magulang ay mahalaga sa pagtatagumpay. Marahil sa una ay iisipin natin na ang mga magulang natin ay isang hadlangin sa ating mga ninanais ngunit ang katotohanan nito ay sila ang gumagabay sa atin tungo sa magandang buhay at sa ikabubuti natin. 

2. Bisa sa Damdamin

Ang kwento ng "Ang Saranggola" ay nagdulot sa akin ng iba't ibang damdamin tulad ng lungkot at panghihinayang. Sa simula, ramdam ko rin ang hinanakit na naramdaman ng bata na nasa kwento dahil tulad niya naranasan ko rin ang mga pagdidisiplina ng aking ama. Napaisip tuloy ako sa mga pagkakataong hindi ko rin nauunawaan ang mga desisyon niya para sa akin at mula dito sa kwento nakapagmuni-muni ako na ang kilos at desisyon ng ating mga magulang ay para rin sa atin. Normal lang sa una na makaramdam ng pagkainis at lungkot pero kapag dumating ka na sa puntong ok na ang lahat, magkakaroon tayo ng pagbabalik-tanaw sa mga ginawang disiplina sa atin ng ating mga magulang at pasasalamat na lamang ang huli nating maisasambit. 

3. Bisa sa Asal

Ang kwento ay nagpapakita ng kahalagahan ng sakripisyo ng mga magulang na handa nilang gawin ang lahat ng bahay para sa atin gayundinmay mga bagay na gusto rin nila na iparanassaatin na hindi tayo nahihirapan ngunit maspinipili na lamangnila na hindi tayo masanay sa ibang bagay na kahit kailan ay maaari nating makuha dahil may kakayahan naman sila. Ipinapakita rin nito na nararapat lamang na matuto tayong magtiyaga  at pagsumikapan ang mga bagay na ninanais natin sa buhay. 

V. KAMALAYANG PANLIPUNAN

Ang kwento ay nagpapakita ng malalim na epekto ng pagkakaiba ng henerasyon at pananaw ng magulang at anak. Inilalarawan nito ang lipunan kung saan pinahahalagahan ang kasipagan at pagiging matipid, sa kabila ng modernong pagnanasa para sa kaginhawahan at luho.

VI. TEORYANG PAMPANITIKAN

1. Teoryang Realismo

Inilalarawan sa kwento ang realidad ng buhay pamilya, kung saan may mga alitan ngunit nasa puso ng magulang ang kagustuhang maihanda ang anak para sa hinaharap.

2. Teoryang Moralismo

Ang kwento ay naglalaman ng malalim na aral tungkol sa disiplina, tiyaga, at pagpapahalaga sa sakripisyo ng mga magulang. Nagtuturo ito ng tamang gawi para maging matagumpay sa buhay.



Tuesday, December 17, 2024

Reflection paper: Dahil Kay Ma'am

 


Pamagat: “Dahil Kay Ma’am: Isang Pagpupugay sa mga Guro”

I. Panimula
Ang video na “Dahil Kay Ma’am” ay isang makabagbag-damdaming kwento na naglalaman ng pagpapahalaga at pasasalamat sa mga guro. Ipinapakita rito ang mga hamon at tagumpay na dulot ng pagtuturo, pati na rin ang di-matatawarang epekto ng isang guro sa buhay ng kanyang mga mag-aaral. Ang video ay hindi lamang simpleng kwento; ito ay paalala kung gaano kahalaga ang mga guro bilang tagapagbigay ng kaalaman at inspirasyon.

II. Reaksyon
Habang pinapanood ko ang video, ramdam na ramdam ko ang emosyon at katotohanan sa bawat eksena. Isa sa mga pinaka-tumatak sa akin ay ang dedikasyon ng guro, kahit pa sa kabila ng kanyang sariling mga personal na hamon. Ipinakita rito kung paano niya ginagampanan ang kanyang tungkulin nang may pagmamalasakit at pagmamahal sa kanyang mga mag-aaral.

Ang eksena kung saan binanggit na dahil sa guro, natutong mangarap at magpursige ang mag-aaral ay talagang nakakaantig. Hindi maitatangging maraming buhay ang naiaangat dahil sa sakripisyo ng mga guro. Isa itong paalala na ang bawat tagumpay ng isang estudyante ay repleksyon din ng tagumpay ng kanyang guro.

III. Pagsusuri
Malinaw ang layunin ng video: ang magbigay-pugay at magpasalamat sa mga guro. Ang paggamit ng makatotohanang tagpo at emosyonal na paglalahad ay epektibong nakapaghatid ng mensahe. Angkop din ang musikal na background na nagdadagdag ng lalim sa emosyon ng video.

Gayunpaman, maaaring mas mapalawak pa ang kwento upang mas makita rin ang perspektibo ng guro—ang kanilang mga sakripisyo, takot, at motibasyon. Ngunit sa kabila nito, tagumpay ng video ang mag-iwan ng marka sa puso ng manonood.

IV. Konklusyon
Ang video ay isang paalala sa atin na pahalagahan ang mga guro. Sa likod ng bawat tagumpay ng isang estudyante ay isang gurong nagtiwala, nagturo, at nag-alaga. Bilang isang estudyante, napaisip ako kung gaano kalaki ang ginagampanan ng mga guro sa aking buhay. Nawa’y hindi tayo magsawang magpasalamat at kilalanin ang kanilang mga sakripisyo.

Sa huli, masasabi kong ang video ay hindi lamang tungkol sa pasasalamat kundi isang hamon din sa bawat isa—ang magbigay-inspirasyon tulad ng ginagawa ng ating mga guro.






https://youtu.be/Y-izSCnmppM?si=zkNhibY-1RpcPbXR

Sunday, December 15, 2024

Balangkas sa Pagsusuri ng Maikling Kwento


 

I. Buod:

Ang kwento ay umiikot kay Manuel, isang lalaking nawalan ng trabaho at may kahiligan sapagsusugal, at ang kanyang asawang si Naty na tutol naman rito. Madalas nilang pag-awayan ang pagsusugal ni Manuel. Isang gabi, nanalo si Manuel ng P700 sa poker, isang malaking halaga na makakatulong sa kanilang kasalukuyang kagipitan. Habang pauwi, iniisip niyang ito ang solusyon sa kanilang problema. Gayunpaman, galit si Naty sa pagdating ni Manuel, tiyak na natalo na naman ito ayon sa kanyang hinala. Dinala niya si Manuel sa kanilang silid-dalanginan, kung saan naroroon ang mga imahen ng Sagrado Corazon de Jesus, Nazareno, at Mahal na Birhen. Sinabi ni Naty na sa tuwing nagsusugal si Manuel, idinadalangin niyang matalo ito. Bagamat hindi nagsalita si Manuel, alam niyang nanalo siya ng malaking halaga. Sa loob-loob niya, mas makapangyarihan ang limang alas na nagdala sa kanya ng panalo kaysa sa tatlong santong pinaniniwalaan ni Naty. Kinaumagahan, ibinigay ni Manuel ang P700 kay Naty, sinabing ito ay bahagi ng hindi pa nababayarang sahod, upang maitago ang katotohanang galing ito sa sugal.

 

1. Uri

II. Pamagat: Limang Alas, Tatlong Santo ni Amado V. Hernandez

Nilalaman

a. Tauhan

Manuel-  Siya ay asawa ni Naty na nawalan ng trabaho at mahilig magsugal. Siya ay isa ring ama na handang gumawa ng masama o imoral na hakbang para sa kapakanan ng kanyang pamilya. Bagama’t may mabuting intensyon, ang kanyang pagsusugal ay nagpapakita naman ito ng kanyang kahinaan pagdating sa tukso. 

Naty- Siya angmaybahay nimanuel at siya ay sumasalamin sa tradisyonal na Pilipinang mapagdasal at matibay ang pananampalataya. Siya ang boses ng konsensya sa kwento, at ang kanyang galit kay Manuel ay nagpapakita ng kanyang malasakit at pagmamahal rito

b. Tagpuan

Sugalang Mesa- Ang lugar ng pagsusugal ay sumasalamin sa pagiging mapanganib ng tukso at ang pagkakataong maaaring magdala ng tagumpay o kapahamakan. 

Bahay nina Manuel at Naty- Ang bahay ay simbolo ng pamilya at pananampalataya. Ang presensya ng mga santo ay nagpapakita ng kanilang relihiyosong paniniwala, na sumasalungat sa gawain ni Manuel.

III. Galaw ng pangyayari

a. Pangunahing Pangyayari

Si Manuel ay isang lalaking mahilig magsugal bilang libangan ngunit hindi naman lubos na naaadik dito. Sa kabila ng kawalan ng hanapbuhay matapos magsara ang kumpanyang kanyang pinapasukan, siya’y nakasumpong ng swerte sa poker at nanalo ng P700. Ngunit alam niyang hindi sang-ayon ang kanyang asawa, si Naty, sa kanyang pagsusugal.

b. Pasidhi o pataas na pangyayari

Habang pauwi si Manuel sakay ng taksi, iniisip niyang matutuwa si Naty sa dala niyang pera, lalo na’t ito’y sapat upang maibsan ang kanilang kagipitan. Gayunpaman, pagdating sa kanilang bahay, sinalubong siya ng galit at iritasyon ni Naty, dahil inakala nitong natalo na naman siya sa sugal.

c. Karurukan at Kasukdulan

Dinala ni Naty si Manuel sa kanilang silid-dalanginan, kung saan pinakita nito ang tatlong santo (Sagrado Corazon de Jesus, Nazareno, at Mahal na Birhen). Ipinagtapat ni Naty na sa tuwing nagsusugal si Manuel, siya’y nananalangin sa mga santo na matalo ito. Bagamat hindi sinabi ni Manuel ang totoo, alam niyang mas mabisa ang “limang alas” kaysa sa tatlong santo.

d. Kakalasan o pababang aksyon

Kinabukasan, inabot ni Manuel ang P700 kay Naty at nagsinungaling na ito’y bahagi ng hindi pa naibigay na suweldo. Ayaw niyang ipagpaalam na ang pera ay mula sa sugal upang hindi mapahiya ang tatlong santo sa paniniwala ng kanyang asawa.

e. Wakas

Bagamat napanalunan ni Manuel ang pera sa poker, pinili niyang panatilihin ang kapayapaan sa kanilang tahanan sa pamamagitan ng pagsisinungaling kay Naty. Sa huli, naipakita ang kaibahan ng pananaw ni Manuel at Naty sa pagsusugal, ngunit nanatili ang pagnanais ni Manuel na iwasan ang lantarang alitan sa kanyang pamilya

IV. Taglay na Bisa

Bisa sa Isip- Pinupukaw ng kwento ang pag-iisip ng mga mambabasa tungkol sa epekto ng kahirapan at pagsusugal sa pamilya. Ipinapaalala nito ang responsibilidad ng bawat miyembro ng pamilya sa pagtugon sa mga hamon ng buhay nang may tamang paraan. 

Bisa sa Damdamin- Nagdadala ng halo-halong emosyon ang kwento, tulad ng awa para kay Naty na nagpapakita ng sakripisyo para sa pamilya at pagkadismaya sa desisyon ni Manuel na umasa sa pagsusugal.

Bisa sa Asal- Hinahamon ng kwento ang mambabasa na maging responsable sa pagdedesisyon, lalo na sa mga pagsubok sa buhay. Hindi lahat ay nadadaan ng swerte at maaaring ito pa ang magdulot ng kapahamakan sa iyo. Mas mabuting paghirapan ng dugo't pawis ang pagtatrabaho kaysa sa isang paraasn na hindi mo alam kung kailan papabor sayo ang pagkapanalo.

 

V. Kamalayang Panlipunan

Ang "Limang Alas Tatlong Santo" ni Amado V. Hernandez ay sumasalamin sa realidad ng buhay ng karaniwang manggagawa at ang epekto ng kahirapan sa pamilya. Inilalarawan nito ang kawalan ng seguridad sa trabaho na nagtulak kay Manuel, ang pangunahing tauhan, sa pagsusugal bilang paraan ng pagkita. Nagpapakita rin ang akda ng tensiyon sa relasyon ng mag-asawa, kung saan si Naty ay umaasa sa pananampalataya habang si Manuel ay nagtitiwala sa suwerte. Binibigyang-diin nito ang kultura ng pagsusugal bilang sagot sa kahirapan ngunit nagdudulot ng alitan at moral na suliranin. Sa kabuuan, ang kuwento ay isang salamin ng mga suliraning panlipunan, tulad ng kahirapan, moralidad, at pamilya, na humihimok ng kamalayan sa mambabasa.

VI. Teorya

Teoryang Realismo- Ang kwento ay sumasalamin sa tunay na kalagayan ng mga Pilipino, lalo na ang hirap na dulot ng kawalan ng trabaho at kahirapan. Si Manuel, na nawalan ng trabaho, ay napilitang humarap sa pagsusugal bilang solusyon, na nagdudulot ng mas malaking problema sa kanilang pamilya. Ang sitwasyong ito ay repleksyon ng sistematikong problema sa lipunan, tulad ng kakulangan ng oportunidad sa trabaho. Ipinapakita rin dito ang epekto ng desperasyon sa moralidad at desisyon ng isang tao.

Teoryang Humanismo- Ipinapakita ang kahinaan at lakas ng tao sa kwento. Si Manuel, bagamat may bisyo, ay isang mapagmahal na asawa at ama na handang maglaan ng kanyang panalo para sa pamilya. Si Naty naman ay sumasalamin sa paniniwala at moralidad, na nagpapamalas ng pagiging makatao sa kabila ng kanyang galit.

Teoryang Feminismo- Pinapakita sa kwento ang papel ni Naty bilang isang matatag na ina na nagtuturo ng moralidad sa pamilya. Gayunpaman, limitado ang kanyang impluwensya dahil hindi niya kayang pigilan ang mga maling desisyon ng kanyang asawa. Ang kanyang pananampalataya at paninindigan ay sumasalamin sa lakas ng kababaihan sa kabila ng hamon ng patriyarkal na lipunan. Ang kwento ay tumatalakay sa papel ng kababaihan bilang haligi ng pamilya sa gitna ng mga suliranin.

Teoryang Marxismo- Ang kwento ay nagpapakita ng hidwaan ng mga uri sa lipunan. Ang kawalan ng trabaho ni Manuel, dulot ng pagsasara ng kumpanya ng mga dayuhan, ay sumasalamin sa hindi pantay na sistema ng ekonomiya kung saan ang mga manggagawa ang laging naaapektuhan sa tuwing may kaguluhan sa negosyo. Ang pagsusugal ay nagiging paraan ng mga tulad ni Manuel upang pansamantalang makaligtas sa kahirapan.

Teoryang Sosyolohikal- Inilalarawan ng kwento ang realidad ng buhay ng mga ordinaryong Pilipino na nagdurusa dahil sa kawalan ng hanapbuhay at nakikitang alternatibo tulad ng pagsusugal. Tinutuligsa rin nito ang sistema ng gobyerno na hindi natutugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan, tulad ng kakulangan sa trabaho at suporta para sa mga manggagawa.

Friday, December 13, 2024

Makrong Kasanayan



Sa Aking kabayan



Sa bayang sinilangan na ating kinamulatan

Bansang Pilipinas ang siyang ipinangalan

Tahanan ng lahing Pilipino, na dito'y nananahan

May sariling Wika, Kultura at Tradisyon na siyang ating kayamanan


Wika ang siyang tanda ng pagkakakilanlan sa ating bansa

Wikang Filipino yan ang ating pambansang wika

Tatak ng pagiging mamamayang Pilipino wag isawang bahala

Gamitin, mahalin at payabungin ang wikang sa ati'y ipinamana 


Ang wikang Filipino ay para sa mga Pilipino

At ang bansang Pilipinas ay para sa Pilipino

Huwag maging alipin ng ibang mga bansa

Na maging ang sariling wika ay nililimot na


Wala na tayo sa panahon na animo'y tayo'y mga alipin

Nasa atin ng mga kamay ang ikauunlad ng ating bayang sinilangan

Kaya anu pang hinihintay, Imulat na ang ating mga sarili

At isigaw na ang sariling atin ay dapat sa ati'y manatili


Hindi masama ang gumamit ng ibang wika

Lalo na ang ingles na sa ati'y ito'y pangalawang sinasalita

Ngunit huwag kalimutan ang unang atin ng iwinika

Ang Wikang Filipino na atin at pagkakakilanlan ng bansa


Kultura'y siyang kayamanan ng ating minamahal na bayan

Tradisyon ay mga kinagawian ng ating mga ninuno noon pa man

Na sa ating mga puso'y tunay na di malilimutan

Pagkat ito ang sagisag ng ating lahi saanman


Kultura'y tahanan, nagbubuklod sa bawat isa

Sa likas na ganda, dangal ng bayan ay dala-dala

Kaya pasalamat sa kanya tayo ay may namana

Tunay na atin, nagbibigay sa atin ng galak at saya


Kaya mga minamahal kong mga kamamamayan

Ang sariling bayan ay ating pahalagahan

Pagkat ang kalayaan at anumang meron tayo ay dahil sa mga bayaning nagbuwis ng buhay

Makamit lamang ang buhay na tinatamasa nating mga mamamayan



Ating wika, kultura at tradisyon ay tangkilikin, mahalin

Ipagmalaki sa mundo na tayo'y isang Pilipino

Taas noo kahit kanino

Mabuhay ang bansang pilipinas, mabuhay ang mga Pilipino






Wednesday, December 11, 2024

Alingawngaw ng Nakaraan


 

Sa dapithapon, pag-ibig ay lumisan

Pangarap na kay tamis ngayo'y iniwan

Sa alapaap hinabi ang kasunduan

Ngunit ngayo'y alingawngaw ng nakaraan


Mga mata’y batis ng galak at saya

Ngunit sa pag-alis, pighati’y sumikla

Walang katiyakan, parang alon sa laot

Iniwan sa puso ang hapdi't pagkapoot


Alaala’y dahong hinipan ng hangin

Sa bawat paglipas, tila kay lupit din

Ang mga yakap mo’y malamig na silahis

Sa gabing tahimik, ako’y naghihinagpis


Sa ilalim ng buwan, may pusong umiiyak

Pusong umiibig, ngayo'y nabiyak,

Pinanday ang mga pangarap nating magkabiyak

‘Di alintana, puso'y unti-unti nang winawasak 


Pait ng alaala'y hapding walang hanggan,

Sa bawat sandali, tila ako'y iniwan,

Ikaw ang munting sinag sa dilim kong daan,

Ngayo'y anino na lamang sa aking nakaraan


Paglisan mo’y gabing walang mga tala

Tulad ng bituing ‘di ko na makikita

Paano pa ako gigising sa umaga

Kung sa paggising ay wala ka na 


Sa bawat sandali, alaala'y bumabalik,

Hinahanap ang init ng iyong mga halik,

Ngunit tadhana'y sa iba ka inilapit,

At ngayo'y luha na lang ang aking kapalit.


Nananatili ang mga alaala't pangungulila,

Sa puso ko'y ikaw pa rin ang nag-iisa,

Kahit na pag-ibig mo'y nasa iba na

Sinta, ikaw ang una’t huling tinitibok ng pusong umaasa



 


 


 


 


 


Panitikang Filipino


 

Tuesday, December 3, 2024

Ang Sigaw ng Lupang Tahimik

   



           Sa isang maliit na barangay sa bayan ng San Carlos, tahimik na namumuhay ang pamilyang Santos na kilala bilang tagapag-alaga ng kagubatan. Si Ambo, ang panganay na anak at mahilig maglibot sa gubat at magmasid sa kagandahan ng kalikasan. Ang gubat na ito ang bumubuhay sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng mga prutas, halamang gamot, at malinis na tubig mula sa ilog. Subalit, sa likod ng kanilang masaganang buhay na nakaangkla sa kalikasan, nagsimula ang panibagong hamon nang lumitaw ang usapin ng iligal na pagtotroso.

       Isang umaga, habang naglalakad si Ambo papunta sa ilog, narinig niya ang malalakas na tunog ng chainsaw mula sa malapit. Sa unang tingin, inakala niyang isa lamang itong gawa ng ibang residente. Ngunit laking gulat niya nang makita ang isang grupo ng kalalakihang may takip ang mga ulo at animo'y nagmamadali. Doon niya lamang napagtanto na ang mga lalaking iyon ay hindi taga roon sakanilang lugar at walang habas na pinagpuputol ang malalaking puno. Agad niyang napansin na armado ang mga ito ng mga baril, at mukhang bihasa sa kanilang ginagawa. Hindi siya nakalapit, ngunit sinubukan niyang kuhanan ng bidyow ang nangyayari gamit ang kanyang lumang telepono. At matapos noo'y tahimik siyang pumanhik upang hindi siya matunugan ng mga ito.

             Habang naglalakad si Ambo dala-dala niya ang takot mula sa kanyang nakita. Ninais niya na agad isumbong ang nakita sa mga awtoridad, ngunit nagdadalawang-isip siya dahil sa takot na madamay ang kanyang pamilya. Lumapit siya sa kanilang barangay kapitan, si Kapitan Lino, upang ipagbigay-alam ng kanyang nakita. Ngunit laking pagkadismaya niya nang sabihin nitong, "Huwag mo nang pakialaman iyan, Ambo. Hindi mo alam ang pinapasok mo." Sa sandaling iyon ay nagpintog ng tainga ni Amado at winika niya, "Ang kaligtasan ng kalikasan at nating mga mamamayan nito ay kailanma'y di maaaring ipagsawalang-bahala. Buhay ng tao at maging ang ting inang kalikasan ng mapapahamak kung magpapatuloy ng mgaganung gawain saating barangay." Sandaling natigilan ang kapitan at nilapitan niya si Ambo sabay bulong, "Tama na ang pagbibida-bidahan mo Ambo, ako pa rin ang kapitan dito at ako pa rin ang masusunod, kung ayaw mong may mapahamak sa pamilya mo ay manahimik ka at magkunwaring bulag sa lahat ng iyong nakita." Kinilabutan si Ambo sa kanyang narinig mula sa kapitang matagal na niyang ginagalang at sa pagkakataong iyon siya ay napaisip sa mga sinambit nito na animo'y pinoprotektahan niya ang mga armadong taong pumuputol sa mga puno. Doon niya napagtanto na may kinalaman ang kapitan sa operasyon ng iligal na pagtotroso.  

               Sa kabila ng takot, pinili ni Ambo na kumilos. Nakipag-usap siya sa mga kabataan sa kanilang barangay na may malasakit sa kalikasan. Sama-sama nilang binuo ang plano na dokumentahan ang mga nangyayari sa kagubatan. Sa tuwing may pagkakataon, lihim nilang kinukunan ng larawan at video ang mga transaksyon ng mga magtotroso, pati na rin ang mga trak na umaalis mula sa gubat. Gayundin, nakuhanan din nila ang pag-uusap ng kanilang kapitan at ang lider nito. 

               Sa tulong ng social media, ipinaalam at ipinakalat nila ang mga ebidensya at mabilis itong nag-viral. Nakakuha ito ng pansin ng mga mamamahayag at mga grupo na pumoprotekta sa kalikasan, dahilan upang makarating ang isyu sa mga awtoridad ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) at PNP (Philippine National Police). Hindi nagtagal, nagsagawa ng sorpresang operasyon sa barangay ang mga pulis at nahuli ang mga magtotroso, pati na rin si Kapitan Lino na napatunayang protektor ng iligal na aktibidad. Ngunit hindi naging madali ang laban—ilang miyembro ng grupo nina Ambo ang nakatanggap ng pagbabanta mula sa mga kasamahan ng mga nahuli.  Dahil sa panganib, napilitan ang pamilyang Santos na lumikas sa kalapit na bayan. Bagamat masakit para sa kanila na iwan ang kanilang tahanan, nanatiling buo ang kanilang loob na ipagpatuloy ang laban para sa kalikasan. Si Ambo, sa tulong ng iba’t ibang organisasyon, ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga ahensiya upang tiyaking maprotektahan ang kagubatan sa San Carlos. Ang mga natutunan niya sa kanyang pakikibaka ay kanyang ibinahagi sa ibang kabataan, na siya ring sumuporta sa adbokasiya para sa ligtas na kagubatan.  

         Naging inspirasyon ang kwento ni Ambo sa maraming Pilipino. Dahil sa kanyang tapang at malasakit, naipatigil hindi lamang ang iligal na pagtotroso sa kanilang lugar, kundi pati na rin ang sistema ng korapsyon sa kanilang barangay. Sa huli, napatunayan niyang ang pagmamalasakit sa kalikasan ay hindi lamang laban ng iisang tao kundi ng buong bayan. Ang gubat na kanilang naisalba ay patuloy na nagbibigay-buhay at pag-asa para sa mga mamamayang naninirahan doon. Sa kabila ng lahat ng pagsubok, nanindigan si Ambo na ang kalikasan ay pamana na kailangang ipaglaban at protektahan lavan sa mga mapang-abusong mamamayan.



Sanggunian: https://images.app.goo.gl/TH464abHfKpF6hgS9

 

Pagsusuri: Ang Saranggola ni Efren Abueg

Buod ng Kwento Ang kwento ay nagsimula sa isang anak na gusto ng guryon ngunit siya ay tinuruan at ginabayan ng kanyang ama sa paggawa ng is...