Wednesday, December 11, 2024

Alingawngaw ng Nakaraan


 

Sa dapithapon, pag-ibig ay lumisan

Pangarap na kay tamis ngayo'y iniwan

Sa alapaap hinabi ang kasunduan

Ngunit ngayo'y alingawngaw ng nakaraan


Mga mata’y batis ng galak at saya

Ngunit sa pag-alis, pighati’y sumikla

Walang katiyakan, parang alon sa laot

Iniwan sa puso ang hapdi't pagkapoot


Alaala’y dahong hinipan ng hangin

Sa bawat paglipas, tila kay lupit din

Ang mga yakap mo’y malamig na silahis

Sa gabing tahimik, ako’y naghihinagpis


Sa ilalim ng buwan, may pusong umiiyak

Pusong umiibig, ngayo'y nabiyak,

Pinanday ang mga pangarap nating magkabiyak

‘Di alintana, puso'y unti-unti nang winawasak 


Pait ng alaala'y hapding walang hanggan,

Sa bawat sandali, tila ako'y iniwan,

Ikaw ang munting sinag sa dilim kong daan,

Ngayo'y anino na lamang sa aking nakaraan


Paglisan mo’y gabing walang mga tala

Tulad ng bituing ‘di ko na makikita

Paano pa ako gigising sa umaga

Kung sa paggising ay wala ka na 


Sa bawat sandali, alaala'y bumabalik,

Hinahanap ang init ng iyong mga halik,

Ngunit tadhana'y sa iba ka inilapit,

At ngayo'y luha na lang ang aking kapalit.


Nananatili ang mga alaala't pangungulila,

Sa puso ko'y ikaw pa rin ang nag-iisa,

Kahit na pag-ibig mo'y nasa iba na

Sinta, ikaw ang una’t huling tinitibok ng pusong umaasa



 


 


 


 


 


No comments:

Post a Comment

Pagsusuri: Ang Saranggola ni Efren Abueg

Buod ng Kwento Ang kwento ay nagsimula sa isang anak na gusto ng guryon ngunit siya ay tinuruan at ginabayan ng kanyang ama sa paggawa ng is...