Sa isang maliit na barangay sa bayan ng San Carlos, tahimik na namumuhay ang pamilyang Santos na kilala bilang tagapag-alaga ng kagubatan. Si Ambo, ang panganay na anak at mahilig maglibot sa gubat at magmasid sa kagandahan ng kalikasan. Ang gubat na ito ang bumubuhay sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng mga prutas, halamang gamot, at malinis na tubig mula sa ilog. Subalit, sa likod ng kanilang masaganang buhay na nakaangkla sa kalikasan, nagsimula ang panibagong hamon nang lumitaw ang usapin ng iligal na pagtotroso.
Isang umaga, habang naglalakad si Ambo papunta sa ilog, narinig niya ang malalakas na tunog ng chainsaw mula sa malapit. Sa unang tingin, inakala niyang isa lamang itong gawa ng ibang residente. Ngunit laking gulat niya nang makita ang isang grupo ng kalalakihang may takip ang mga ulo at animo'y nagmamadali. Doon niya lamang napagtanto na ang mga lalaking iyon ay hindi taga roon sakanilang lugar at walang habas na pinagpuputol ang malalaking puno. Agad niyang napansin na armado ang mga ito ng mga baril, at mukhang bihasa sa kanilang ginagawa. Hindi siya nakalapit, ngunit sinubukan niyang kuhanan ng bidyow ang nangyayari gamit ang kanyang lumang telepono. At matapos noo'y tahimik siyang pumanhik upang hindi siya matunugan ng mga ito.
Habang naglalakad si Ambo dala-dala niya ang takot mula sa kanyang nakita. Ninais niya na agad isumbong ang nakita sa mga awtoridad, ngunit nagdadalawang-isip siya dahil sa takot na madamay ang kanyang pamilya. Lumapit siya sa kanilang barangay kapitan, si Kapitan Lino, upang ipagbigay-alam ng kanyang nakita. Ngunit laking pagkadismaya niya nang sabihin nitong, "Huwag mo nang pakialaman iyan, Ambo. Hindi mo alam ang pinapasok mo." Sa sandaling iyon ay nagpintog ng tainga ni Amado at winika niya, "Ang kaligtasan ng kalikasan at nating mga mamamayan nito ay kailanma'y di maaaring ipagsawalang-bahala. Buhay ng tao at maging ang ting inang kalikasan ng mapapahamak kung magpapatuloy ng mgaganung gawain saating barangay." Sandaling natigilan ang kapitan at nilapitan niya si Ambo sabay bulong, "Tama na ang pagbibida-bidahan mo Ambo, ako pa rin ang kapitan dito at ako pa rin ang masusunod, kung ayaw mong may mapahamak sa pamilya mo ay manahimik ka at magkunwaring bulag sa lahat ng iyong nakita." Kinilabutan si Ambo sa kanyang narinig mula sa kapitang matagal na niyang ginagalang at sa pagkakataong iyon siya ay napaisip sa mga sinambit nito na animo'y pinoprotektahan niya ang mga armadong taong pumuputol sa mga puno. Doon niya napagtanto na may kinalaman ang kapitan sa operasyon ng iligal na pagtotroso.
Sa kabila ng takot, pinili ni Ambo na kumilos. Nakipag-usap siya sa mga kabataan sa kanilang barangay na may malasakit sa kalikasan. Sama-sama nilang binuo ang plano na dokumentahan ang mga nangyayari sa kagubatan. Sa tuwing may pagkakataon, lihim nilang kinukunan ng larawan at video ang mga transaksyon ng mga magtotroso, pati na rin ang mga trak na umaalis mula sa gubat. Gayundin, nakuhanan din nila ang pag-uusap ng kanilang kapitan at ang lider nito.
Sa tulong ng social media, ipinaalam at ipinakalat nila ang mga ebidensya at mabilis itong nag-viral. Nakakuha ito ng pansin ng mga mamamahayag at mga grupo na pumoprotekta sa kalikasan, dahilan upang makarating ang isyu sa mga awtoridad ng DENR (Department of Environment and Natural Resources) at PNP (Philippine National Police). Hindi nagtagal, nagsagawa ng sorpresang operasyon sa barangay ang mga pulis at nahuli ang mga magtotroso, pati na rin si Kapitan Lino na napatunayang protektor ng iligal na aktibidad. Ngunit hindi naging madali ang laban—ilang miyembro ng grupo nina Ambo ang nakatanggap ng pagbabanta mula sa mga kasamahan ng mga nahuli. Dahil sa panganib, napilitan ang pamilyang Santos na lumikas sa kalapit na bayan. Bagamat masakit para sa kanila na iwan ang kanilang tahanan, nanatiling buo ang kanilang loob na ipagpatuloy ang laban para sa kalikasan. Si Ambo, sa tulong ng iba’t ibang organisasyon, ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga ahensiya upang tiyaking maprotektahan ang kagubatan sa San Carlos. Ang mga natutunan niya sa kanyang pakikibaka ay kanyang ibinahagi sa ibang kabataan, na siya ring sumuporta sa adbokasiya para sa ligtas na kagubatan.
Naging inspirasyon ang kwento ni Ambo sa maraming Pilipino. Dahil sa kanyang tapang at malasakit, naipatigil hindi lamang ang iligal na pagtotroso sa kanilang lugar, kundi pati na rin ang sistema ng korapsyon sa kanilang barangay. Sa huli, napatunayan niyang ang pagmamalasakit sa kalikasan ay hindi lamang laban ng iisang tao kundi ng buong bayan. Ang gubat na kanilang naisalba ay patuloy na nagbibigay-buhay at pag-asa para sa mga mamamayang naninirahan doon. Sa kabila ng lahat ng pagsubok, nanindigan si Ambo na ang kalikasan ay pamana na kailangang ipaglaban at protektahan lavan sa mga mapang-abusong mamamayan.
Sanggunian: https://images.app.goo.gl/TH464abHfKpF6hgS9
No comments:
Post a Comment