Sunday, December 15, 2024

Balangkas sa Pagsusuri ng Maikling Kwento


 

I. Buod:

Ang kwento ay umiikot kay Manuel, isang lalaking nawalan ng trabaho at may kahiligan sapagsusugal, at ang kanyang asawang si Naty na tutol naman rito. Madalas nilang pag-awayan ang pagsusugal ni Manuel. Isang gabi, nanalo si Manuel ng P700 sa poker, isang malaking halaga na makakatulong sa kanilang kasalukuyang kagipitan. Habang pauwi, iniisip niyang ito ang solusyon sa kanilang problema. Gayunpaman, galit si Naty sa pagdating ni Manuel, tiyak na natalo na naman ito ayon sa kanyang hinala. Dinala niya si Manuel sa kanilang silid-dalanginan, kung saan naroroon ang mga imahen ng Sagrado Corazon de Jesus, Nazareno, at Mahal na Birhen. Sinabi ni Naty na sa tuwing nagsusugal si Manuel, idinadalangin niyang matalo ito. Bagamat hindi nagsalita si Manuel, alam niyang nanalo siya ng malaking halaga. Sa loob-loob niya, mas makapangyarihan ang limang alas na nagdala sa kanya ng panalo kaysa sa tatlong santong pinaniniwalaan ni Naty. Kinaumagahan, ibinigay ni Manuel ang P700 kay Naty, sinabing ito ay bahagi ng hindi pa nababayarang sahod, upang maitago ang katotohanang galing ito sa sugal.

 

1. Uri

II. Pamagat: Limang Alas, Tatlong Santo ni Amado V. Hernandez

Nilalaman

a. Tauhan

Manuel-  Siya ay asawa ni Naty na nawalan ng trabaho at mahilig magsugal. Siya ay isa ring ama na handang gumawa ng masama o imoral na hakbang para sa kapakanan ng kanyang pamilya. Bagama’t may mabuting intensyon, ang kanyang pagsusugal ay nagpapakita naman ito ng kanyang kahinaan pagdating sa tukso. 

Naty- Siya angmaybahay nimanuel at siya ay sumasalamin sa tradisyonal na Pilipinang mapagdasal at matibay ang pananampalataya. Siya ang boses ng konsensya sa kwento, at ang kanyang galit kay Manuel ay nagpapakita ng kanyang malasakit at pagmamahal rito

b. Tagpuan

Sugalang Mesa- Ang lugar ng pagsusugal ay sumasalamin sa pagiging mapanganib ng tukso at ang pagkakataong maaaring magdala ng tagumpay o kapahamakan. 

Bahay nina Manuel at Naty- Ang bahay ay simbolo ng pamilya at pananampalataya. Ang presensya ng mga santo ay nagpapakita ng kanilang relihiyosong paniniwala, na sumasalungat sa gawain ni Manuel.

III. Galaw ng pangyayari

a. Pangunahing Pangyayari

Si Manuel ay isang lalaking mahilig magsugal bilang libangan ngunit hindi naman lubos na naaadik dito. Sa kabila ng kawalan ng hanapbuhay matapos magsara ang kumpanyang kanyang pinapasukan, siya’y nakasumpong ng swerte sa poker at nanalo ng P700. Ngunit alam niyang hindi sang-ayon ang kanyang asawa, si Naty, sa kanyang pagsusugal.

b. Pasidhi o pataas na pangyayari

Habang pauwi si Manuel sakay ng taksi, iniisip niyang matutuwa si Naty sa dala niyang pera, lalo na’t ito’y sapat upang maibsan ang kanilang kagipitan. Gayunpaman, pagdating sa kanilang bahay, sinalubong siya ng galit at iritasyon ni Naty, dahil inakala nitong natalo na naman siya sa sugal.

c. Karurukan at Kasukdulan

Dinala ni Naty si Manuel sa kanilang silid-dalanginan, kung saan pinakita nito ang tatlong santo (Sagrado Corazon de Jesus, Nazareno, at Mahal na Birhen). Ipinagtapat ni Naty na sa tuwing nagsusugal si Manuel, siya’y nananalangin sa mga santo na matalo ito. Bagamat hindi sinabi ni Manuel ang totoo, alam niyang mas mabisa ang “limang alas” kaysa sa tatlong santo.

d. Kakalasan o pababang aksyon

Kinabukasan, inabot ni Manuel ang P700 kay Naty at nagsinungaling na ito’y bahagi ng hindi pa naibigay na suweldo. Ayaw niyang ipagpaalam na ang pera ay mula sa sugal upang hindi mapahiya ang tatlong santo sa paniniwala ng kanyang asawa.

e. Wakas

Bagamat napanalunan ni Manuel ang pera sa poker, pinili niyang panatilihin ang kapayapaan sa kanilang tahanan sa pamamagitan ng pagsisinungaling kay Naty. Sa huli, naipakita ang kaibahan ng pananaw ni Manuel at Naty sa pagsusugal, ngunit nanatili ang pagnanais ni Manuel na iwasan ang lantarang alitan sa kanyang pamilya

IV. Taglay na Bisa

Bisa sa Isip- Pinupukaw ng kwento ang pag-iisip ng mga mambabasa tungkol sa epekto ng kahirapan at pagsusugal sa pamilya. Ipinapaalala nito ang responsibilidad ng bawat miyembro ng pamilya sa pagtugon sa mga hamon ng buhay nang may tamang paraan. 

Bisa sa Damdamin- Nagdadala ng halo-halong emosyon ang kwento, tulad ng awa para kay Naty na nagpapakita ng sakripisyo para sa pamilya at pagkadismaya sa desisyon ni Manuel na umasa sa pagsusugal.

Bisa sa Asal- Hinahamon ng kwento ang mambabasa na maging responsable sa pagdedesisyon, lalo na sa mga pagsubok sa buhay. Hindi lahat ay nadadaan ng swerte at maaaring ito pa ang magdulot ng kapahamakan sa iyo. Mas mabuting paghirapan ng dugo't pawis ang pagtatrabaho kaysa sa isang paraasn na hindi mo alam kung kailan papabor sayo ang pagkapanalo.

 

V. Kamalayang Panlipunan

Ang "Limang Alas Tatlong Santo" ni Amado V. Hernandez ay sumasalamin sa realidad ng buhay ng karaniwang manggagawa at ang epekto ng kahirapan sa pamilya. Inilalarawan nito ang kawalan ng seguridad sa trabaho na nagtulak kay Manuel, ang pangunahing tauhan, sa pagsusugal bilang paraan ng pagkita. Nagpapakita rin ang akda ng tensiyon sa relasyon ng mag-asawa, kung saan si Naty ay umaasa sa pananampalataya habang si Manuel ay nagtitiwala sa suwerte. Binibigyang-diin nito ang kultura ng pagsusugal bilang sagot sa kahirapan ngunit nagdudulot ng alitan at moral na suliranin. Sa kabuuan, ang kuwento ay isang salamin ng mga suliraning panlipunan, tulad ng kahirapan, moralidad, at pamilya, na humihimok ng kamalayan sa mambabasa.

VI. Teorya

Teoryang Realismo- Ang kwento ay sumasalamin sa tunay na kalagayan ng mga Pilipino, lalo na ang hirap na dulot ng kawalan ng trabaho at kahirapan. Si Manuel, na nawalan ng trabaho, ay napilitang humarap sa pagsusugal bilang solusyon, na nagdudulot ng mas malaking problema sa kanilang pamilya. Ang sitwasyong ito ay repleksyon ng sistematikong problema sa lipunan, tulad ng kakulangan ng oportunidad sa trabaho. Ipinapakita rin dito ang epekto ng desperasyon sa moralidad at desisyon ng isang tao.

Teoryang Humanismo- Ipinapakita ang kahinaan at lakas ng tao sa kwento. Si Manuel, bagamat may bisyo, ay isang mapagmahal na asawa at ama na handang maglaan ng kanyang panalo para sa pamilya. Si Naty naman ay sumasalamin sa paniniwala at moralidad, na nagpapamalas ng pagiging makatao sa kabila ng kanyang galit.

Teoryang Feminismo- Pinapakita sa kwento ang papel ni Naty bilang isang matatag na ina na nagtuturo ng moralidad sa pamilya. Gayunpaman, limitado ang kanyang impluwensya dahil hindi niya kayang pigilan ang mga maling desisyon ng kanyang asawa. Ang kanyang pananampalataya at paninindigan ay sumasalamin sa lakas ng kababaihan sa kabila ng hamon ng patriyarkal na lipunan. Ang kwento ay tumatalakay sa papel ng kababaihan bilang haligi ng pamilya sa gitna ng mga suliranin.

Teoryang Marxismo- Ang kwento ay nagpapakita ng hidwaan ng mga uri sa lipunan. Ang kawalan ng trabaho ni Manuel, dulot ng pagsasara ng kumpanya ng mga dayuhan, ay sumasalamin sa hindi pantay na sistema ng ekonomiya kung saan ang mga manggagawa ang laging naaapektuhan sa tuwing may kaguluhan sa negosyo. Ang pagsusugal ay nagiging paraan ng mga tulad ni Manuel upang pansamantalang makaligtas sa kahirapan.

Teoryang Sosyolohikal- Inilalarawan ng kwento ang realidad ng buhay ng mga ordinaryong Pilipino na nagdurusa dahil sa kawalan ng hanapbuhay at nakikitang alternatibo tulad ng pagsusugal. Tinutuligsa rin nito ang sistema ng gobyerno na hindi natutugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan, tulad ng kakulangan sa trabaho at suporta para sa mga manggagawa.

No comments:

Post a Comment

Pagsusuri: Ang Saranggola ni Efren Abueg

Buod ng Kwento Ang kwento ay nagsimula sa isang anak na gusto ng guryon ngunit siya ay tinuruan at ginabayan ng kanyang ama sa paggawa ng is...