Saturday, September 28, 2024

Huling Sandali


Sa aking pag-iisa at pangungulila

Kinakausap ka na tila ika'y kasama,

Inaapuhap ang iyong mga tawa

Na sa aking puso'y nakapagbibigay saya.


Noong araw na ika'y nawala

Tila ang mundo ko'y naguhong bigla,

Ang galak na ika'y muling makita

Napalitan na ng mga masisidhing luha.


Mga ipinangako natin sa isa't isa,

Magkapiling hanggang sa pagtanda

Paano pa matutupad kung lumisan ka na?

Paano pa haharapin ang bukas kung 'di na ikaw ang kasama?


Maging sa pagmulat at pagpikit ng aking mga mata

Imahe mo ang siyang aking nakikita

Sa sandaling ang alaala'y magunita,

Ay siya ring pagpatak ng mga luha sa mata


Naalala ko pa ang mga huling sandaling kapiling ka

Ang iyong mga halakhak na nakakadala

Animo'y isang luka-luka kung humagikhik ng tawa

Walang katapusang saya, yan ang hiling sa tuwina.


Hindi magawang limutin ang alaala kapiling ka

Pagkat sa oras na kailangan ika'y nariyan karamay pa

Paano lilimutin ang mga gunita na magkasama

Kung hirap akong tanggapin na kasama ka na ni Ama.


Oh kay lupit naman tadhana

Napapatanong bakit ikaw pa ang kinuha

Kung sakaling mapagbigyan ni Bathala

Ikaw sana'y muling makita ng walang alintana.


Salamat sa mga masasayang gunita aking kaibigan,

Mga alaalang nabuo natin na magkasama sa kaparangan.

Sa puso't isipan maging sa gunita'y 'di kana mawawaglit,

Pagkat ikaw ang syang aking kaibigang matalik.

No comments:

Post a Comment

Pagsusuri: Ang Saranggola ni Efren Abueg

Buod ng Kwento Ang kwento ay nagsimula sa isang anak na gusto ng guryon ngunit siya ay tinuruan at ginabayan ng kanyang ama sa paggawa ng is...