Saturday, September 28, 2024

Huling Sandali


Sa aking pag-iisa at pangungulila

Kinakausap ka na tila ika'y kasama,

Inaapuhap ang iyong mga tawa

Na sa aking puso'y nakapagbibigay saya.


Noong araw na ika'y nawala

Tila ang mundo ko'y naguhong bigla,

Ang galak na ika'y muling makita

Napalitan na ng mga masisidhing luha.


Mga ipinangako natin sa isa't isa,

Magkapiling hanggang sa pagtanda

Paano pa matutupad kung lumisan ka na?

Paano pa haharapin ang bukas kung 'di na ikaw ang kasama?


Maging sa pagmulat at pagpikit ng aking mga mata

Imahe mo ang siyang aking nakikita

Sa sandaling ang alaala'y magunita,

Ay siya ring pagpatak ng mga luha sa mata


Naalala ko pa ang mga huling sandaling kapiling ka

Ang iyong mga halakhak na nakakadala

Animo'y isang luka-luka kung humagikhik ng tawa

Walang katapusang saya, yan ang hiling sa tuwina.


Hindi magawang limutin ang alaala kapiling ka

Pagkat sa oras na kailangan ika'y nariyan karamay pa

Paano lilimutin ang mga gunita na magkasama

Kung hirap akong tanggapin na kasama ka na ni Ama.


Oh kay lupit naman tadhana

Napapatanong bakit ikaw pa ang kinuha

Kung sakaling mapagbigyan ni Bathala

Ikaw sana'y muling makita ng walang alintana.


Salamat sa mga masasayang gunita aking kaibigan,

Mga alaalang nabuo natin na magkasama sa kaparangan.

Sa puso't isipan maging sa gunita'y 'di kana mawawaglit,

Pagkat ikaw ang syang aking kaibigang matalik.

Tuesday, September 24, 2024

WIKANG FILIPINO, ikaw nga ba'y daan sa PAGKAKALAYA?


        Tunay na ang wikang Filipino ay naging mahalagang bahagi ng ating kasaysayan, hindi lamang bilang daluyan ng komunikasyon kundi bilang sandata ng diwang makabayan. Halina't sariwain at balikan ang nakaraan kung paanong ang wikang Filipino ay naging kasangkapan ng mga rebolusyonaryo upang ipahayag ang kanilang damdamin, layunin, at adhikain sa bansang kay tagal nang inalila ng mga kolonyalistang dayuhan. Ang mga akda tulad ng tula, nobela, at iba  ang siyang gumising sa diwang makaPilipino. Gayundin, ang mga dakilang bayani gaya nina Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at iba pa na ipinaglaban ang sarili nating kalayaan. Kaya naman bilang isang nagpapakadalubhasa at tagapagtaguyod ng wikang pambansa, nais kong maging boses ng wika na hindi lang sapat na ito'y ginagamit sa pakikipagtalastasan bagkus maging daan ito upang maipahayag at makisangkot sa mga usaping panlipunan. Ang wika ay malaya na, ngunit hahayaan mo bang ang iyong mga tinig ukol sa mga isyung kailangan ang opinyon mo ay manatiling nakabartolina? 


Saturday, September 21, 2024

KAPISTAYANIHAN: PAGTUKLAS NG MAKASAYSAYANG PINAGMULAN NG MGA KAPISTAHAN SA UNANG DISTRITO

Abstrak:
      
          Ang bawat bayan ay may natatanging kapistahan na hindi lang isang tradisyonal na selebrasyon, kundi isang makulay na pagsasadula ng kanilang malalim na kasaysayan, pananampalataya, at pamumuhay. Sa bawat kapistahan na ipinagdiriwang, mababanaag ang ugat ng mga sinaunang kaugalian, relihiyon, at kwento ng lugar, na nagbibigay-buhay at kahulugan sa pagkakakilanlan ng komunidad. Layunin ng papel na ito na malaman at suriin ang kasaysayan at pinagmulan ng mga kapistahan sa bayan ng Unang Distrito ng Oriental Mindoro at matukoy ang mahalagang ambag ng gagawing brochure, “KaPistaYan: Mga Pista ng Bayan” sa Unang Distrito ng Oriental Mindoro bilang awtput ng pag-aaral sa mga mag-aaral, guro mamamayan sa bawat bayan at sa mga hinaharap na mananaliksik. Ang kasalukuyang pag-aaral ay gumamit ang historikal na kwalitatibong uri ng pananaliksik bilang disenyo ng pag-aaral. Ang mga impormasyon ay kinalap sa pamamagitan ng pakikipanayam o Focus Group Discussion (FGD). Kasama rito ang walang balangkas na uri ng panayam sapagkat higit na impormal ang uri na ito ng interbyu at karaniwang marami itong follow-up na mga katanungan. 
        Batay sa kinalabasan ng pag-aaral, lumitaw na ang pinagmulan ng kasaysayan ng pagdiriwang ng pista sa bawat bayan ay batay sa paniniwala, pangkat etniko, patron at pang-araw-araw na gawain. Ang papel ay may malaking kahalagahan pagdating sa usaping kultural dahil ipinapakita nito kung paano naging bahagi ng kasaysayan at pagkakakilanlan ng mga bayan ang mga pista. Gayundin, may malaking kahalagahan ito sa usaping pangedukasyon sapagkat  maaaring magamit ang mga ito bilang kagamitang pampagtuturo sa Filipino partikular na sa mga lokal na panitikan na naglalaman ng mga kasaysayan at pinagmulan. 

Susing Salita: Kasaysayan, Pagdiriwang, Bayan, Pista


Paglalahad ng Suliranin:

       Ang pananaliksik na ito ay naglalayong tuklasin ang makulay na makasaysayang pinagmulan ng pagdiriwang ng pista at ang paniniwala ng mga mamamayan kung paano ito nakatutulong sa karanasan bilang pagpapalalim ng kahalagahan sa pagdiriwang ng pista sa kanilang bayan.
    Ang pananaliksik na ito ay tinitiyak na ang mga katanungan ay naglalayong tugunan ng mga kasagutan ang mga sumusunod na suliranin:

1. Ano-ano ang makasaysayang pinagmulan ng pagdiriwang ng pista sa bawat Bayan ng Unang Distrito ng Oriental Mindoro?
a. Puerto Galera (Pista ng Kaaldawan-Iraya) 
b. San Teodoro (Pista ng Niyog) 
c. Baco (Pista ng Saging) 
d. Calapan (Pista ng Kalap) 
e. Naujan (Pista ng DaBaLisTiHit) 
f. Victoria (Pista ng Kapakyanan) 
g. Socorro (Pista ng Pakapya-Agtike) 
h. Pola (Pista ng Sab-Uyan) 
2. Paano ipinagdiriwang ang pista sa bawat bayan?
3. Paano nakatutulong ang mga paniniwala at karanasan ng mga MindoreƱo sa pagpapanatili at pagpapayaman ng lokal na tradisyon?
4. Batay sa naging resulta ng pag-aaral, ano ang mahalagang ambag ng brochure  “KaPistaYan: Mga Pista ng Bayan” sa Unang Distrito ng Oriental Mindoro bilang awtput?


Thursday, September 19, 2024

Selda ng Pag-ibig


Mahal kong Saver, 

      Sa totoo lang ay wala akong kaide-ideya kung paano ko sisimulan ang liham na ito. Hindi ko alam kung tama ba o mali ang naging disesyon ko. Ilang taon ka na rin na naghihintay sa kasagutan ko. Hindi ko kase alam kung paano ko ipapaliwanag sa'yo ang lahat. May agam-agam kase ako na bigla ka na lamang maglaho. Hindi ko na kayang gawin ang mga bagay-bagay kung wala ka. Para bang walang gana kapag 'di ka kasama sana'y kasi ako na laging ikaw ang kaulayaw. Oo aaminin ko, nagagalak ako sa tuwing nariyan ka sa tabi ko. Sa tuwina'y may mga suliranin akong dala-dala nariyan ka palagi handang umagapay, at sa tuwing ako nama'y namamanglaw ikaw ang siyang nagpapalitaw sa mga nagkukubling ngiti. Itinuturing kong isang kayamanan ang bawat bagay na nagmumula sayo. Animo'y isang kasintahan na kung umasta ay wow na wow.  Ang mga gawi mong tulad nito ang  siyang mas lalong nagpagalak sa aking puso na kahit ikaw palang nama'y nanliligaw iyon na kaagad ang aking nararamdaman. Napakarami na nating mga binuong ala-ala at ako'y napapangiti na lamang sa tuwina ito'y maaalala. Nagkakapalagayan narin kayo ng aking pamilya  minsan nga napapatanong si mama sa akin kung bakit 'di pa kita sagutin. Ayon sa kanya, napakabuti mo naman sakin at sa maging sa kanila. Sa mga oras na iyon hindi ko naibigay ang kasagutang nais na marinig ni mama kase mismo ako hindi ko rin masagot kung bakit nga ba?  Lahat ng katangian na maiibigan ng isang babae sa isang binatang tulad mo ay nalilinang mo na. Walang halong biro lahat ay nasa sa'yo na kaya napakaswerte ng babaeng mamahalin mo. Sayong taglay na kabaitan ang puso ko'y nabihag mo na. Sa mga salitang binibitawan mo na siyang nagpaparamdam sa akin na totoo ang taong ito. Ngunit may lihim ako na matagal ko ng tinatago, kinukubli ang nakaraan sa mga matatamis kong ngiti hindi mo maaaninag na may dinadala akong isang pait sa aking nakaraan. Diyan ako magaling ang magkunwaring maayos ako kahit na sa kabila nito'y takot ako. Alam kong hindi pa man tayo pero nangangamba na ako sa mga posibilidad na mangyari kung sakali mang ibigay ko na ang matamis kong oo. Isa sa mga ito ang mga kung sakali sa buhay pag-ibig ko. Kung sakaling maging opisyal tayo ay baka manawa ka baka isa ka rin sa mga tulad ng dating karelasyon ko na matapos kong papasukin sa buhay ko at ibigay ang matamis kong oo ay hindi pa nagtatagal ay animo'y isang bula na nawala na lamang bigla. Walang malinaw na dahilan sa kanyang paglisan ang alam ko lang ay iniwan niya akong luhaan. Kulang ang timba sa  mga luhang naibuhos ko sa araw na iyon. Siya ang kauna-unahang lalaking minahal ko ng labis- labis na tulad mo matagal na taon na naghintay sa matamis kong oo. Ganoon siguro pag labis labis kang nagmamahal kaya ganun din ang pighati na aking naramdaman. Siya ang lalaking nagbitaw ng mga pangako sa harap ko at sa harap ng mga magulang ko na hindi kelanman magbabago at magiging kasama ko habambuhay ngunit napagtanto ko na hindi pala lahat ng nilelegal at mula sa matagal na suyuan ay nagtatagal. Isa ako sa mga patunay na hindi porke mahal ay hindi ka na iiwan. Hindi ko alam kung anu pang mukha ang ihaharap ko sayo kaya idinaan ko na lamang sa liham na ito. Ito ang dahilan sa mga bakit mo at maging sa mga taong saksi sa ating dalawa. Humihingi ako ng patawad dahil pinaghintay pa kita ng matagal na panahon na sana sa mga araw na naisabi ko sayo na hindi pa ako handa na pumasok sa relasyon ay sana'y sa mga araw na to nahanap mo na yung babaeng para sayo. Ako yung babaeng sa loob ng ilang taon ay dala dala parin ang isang masakit na nakaraan mula sa taong lubos kong minahal. Trauma kung tawagin ng ilan na napakahirap kalimutan. Hirap akong magtiwalang muli sa mga taong nakapaligid sa akin at tanging sayo ko lang naramdamn angisang pakiramdamna hindiko maipaliwanag. Patawarin mo ako kung hindi ko magawang lumaya sa masakit na nakaraan. Kung mababasa mo man to humihingi ako ng tawad sa tagal ng panahon na hindi ko sinabi sayo ang mga ito. Patawarin mo ako sa patuloy napagkakakulong sa nakaraan ko at hindi ko magawang makawala rito. Ayukong patagalin pa ang paghihirap mo at patuloy na paghihintay sa isang babaeng tulad ko kaya sana mula sa araw na to ay nais ko ng ako'y kalimutan mo at nawa'y makahanap ka ng isang babaeng wala sa posisyon ko.  Isang babaeng kaya kang mahalin ng buo dahil alam ko at alam ng Ama sa langit kung gaanu ka kabuti at sana sa ngalan niya ay mahanap mo ang babaeng mamahalin ka ng walang pagaalinlangan at buong pagaalayan ng sarili. Mahal kita pero sa animoy rehas na buhay ko hindi ka nararapat na mapunta rito hayaan mong dalhin ka ng tadhana patungo sa babaeng tunay na nararapat para sayo. Hangad ko na maging masaya ka sa muling babaeng mamahalin mo. 

Sa mga oras na nababasa mo na ito ay marahil wala na ako sa mundong ito. Patawarin mo ko kung naging mahina ang minamahal mo. Salamat sa maraming taon na pinagsaluhan nating dalawa nawa'y marami pang tulad mo na handang maghintay ng matagal na panahon at maging totoo sa kanilang mga minamahal. Hangad ko ang kaligayan sa buhay at buhay pag-ibig mo. At sa babaeng maswerteng mamahalin mo alagaan mo siya ng mabuti at ituring mo sya na mundo mo. Hanggang sa muli maraming salamat. Mahal kita.


Nagmamahal, 

Potchi


Wednesday, September 18, 2024

Maligayang Pagdating sa Aking Blog Ka-Fil!



Mapagpalayang Araw! 

   Ako si Geizel Yamson Frane, isang mag-aaral sa Unibersidad ng Mindoro-Main Campus at kasalukuyang nasa ikatlong taon na ng kursong Pangsekondaryang Edukasyon Medyor sa Filipino. Sa blog na ito, ibabahagi ko ang aking mga pananaw, naratamdaman at maging ang aking mga karanasan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng aking kaalaman.
   Kung ikaw ay naghahanap ng mga ideya sa malikhaing pagsusulat, mga talakayan tungkol sa pagbabago ng ating wika sa digital na panahon, o kaya’y mga tips sa pag-aaral ng Filipino, nasa tamang lugar ka. Inaasahan kong makapagbigay ng inspirasyon at kaalaman sa pamamagitan ng mga artikulong matutunghayan mula rito.
   Salamat sa pagbisita, at huwag kalimutang sundan ang blog na ito para sa mas marami pang mga kwentong mapupulutan ng aral at inspirasyon. Tara, tuklasin natin ang ganda ng wikang Filipino!


Pagsusuri: Ang Saranggola ni Efren Abueg

Buod ng Kwento Ang kwento ay nagsimula sa isang anak na gusto ng guryon ngunit siya ay tinuruan at ginabayan ng kanyang ama sa paggawa ng is...